Tennis: Zverev unang natalo bilang world No. 1; Djokovic hindi makalalaro sa ATP Finals
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 5, 2026 at 8:53:21 AM
Pinigilan ni Lorenzo Musetti ang matagumpay na pagsisimula ni Alexander Zverev bilang world number one matapos niya itong talunin sa second round ng Paris Masters nitong Miyerkules. Samantala, tuluyan nang naglaho ang pag-asang makapasok ni Novak Djokovic sa ATP Finals matapos siyang talunin ni Rinky Hijikata.
Nalasap ni Zverev, 29, na umakyat sa world number one noong Lunes, ang hindi inaasahang 7-6(5), 6-2 pagkatalo, ilang araw lamang matapos siyang talunin ng Australianong si Alex de Minaur sa semi-finals ng Vienna Open.
Nakuha ni Musetti, dating world number five, ang bentahe matapos niyang maiuwi ang anim sa huling pitong puntos sa tie-break ng unang set bago tuluyang dominahin ang ikalawang set.
Binasag ng 24-anyos na Italyano ang serve ni Zverev upang manguna sa 2-1 at muli niya itong nagawa para lumamang sa 5-2, bago tuluyang makamit ang panalo.
Nagtala si Musetti, world number 24 at dating semi-finalist sa French Open at Wimbledon, ng 29 winners at walong ace sa laban. Dahil dito, umangat sa 4-2 ang kanyang head-to-head record kontra Zverev.
Nagpatuloy ang pagbawi ni Musetti matapos siyang hadlangan ng mga injury sa kabuuan ng 2026 season. Pinakamatinding dagok sa kanya ang nangyari sa Australian Open, kung saan nagretiro siya sa quarter-final match kontra Djokovic habang nangunguna sa dalawang set. Tinapos naman ni Musetti ang apat na taong paghihintay sa titulo nang magkampeon siya sa Lyon noong nakaraang buwan.
Naging matagumpay ang season ni Zverev matapos niyang masungkit ang una niyang Grand Slam title sa French Open bago idagdag ang ikalawa niyang major crown sa US Open.
Nang tanungin kung nagdulot ng dagdag na pressure ang una niyang laban bilang world number one, sinabi ng German top seed sa mga mamamahayag: “Hindi ko alam kung stress ba ito (I don't know if it's stress).”
“Sa totoo lang, medyo nainis ako nitong mga nakaraang araw dahil ang pagiging world number one ay isang bagay na pinapangarap ng bawat manlalaro (I was a bit annoyed, to be honest, the last couple of days, because achieving the world number one status is something that I think every player dreams of).”
“Pero pakiramdam ko, ako lang ang world number one sa kasaysayan ng tennis na kailangang magpaliwanag kung bakit karapat-dapat akong maging world number one. Mahirap para sa akin iyon dahil naniniwala akong nararapat ako sa posisyong ito, kahit natalo ako ngayon (But then I feel like I'm the only world number one in tennis history that has to explain why it's okay for me to be world number one, which I find quite difficult, because I think I deserve to be where I am, even though I lost today).”
“Sa tingin ko, wala pang ibang kailangan magpaliwanag nang ganito kalaki tungkol sa sarili niya gaya ng ginawa ko nitong mga nakaraang araw. Sa totoo lang, nakakainis iyon ("I don't think anybody had to explain themselves as much as I had to do in the last couple of days, which, for me, is annoying, to be honest)."
Hindi tinukoy ni Zverev kung sino o ano ang naging dahilan ng kanyang pagkadismaya mula nang umakyat siya sa pinakamataas na puwesto sa rankings.
Nagbalik din sa usapan ang mga alegasyon ng pang-aabuso sa tahanan na ibinato sa kanya ng dalawa niyang dating karelasyon.
Isinara ng korte sa Germany ang kasong kinasasangkutan ng dati niyang karelasyong si Brenda Patea matapos magkaroon ng kasunduan ang magkabilang panig noong 2024, nang walang hatol na nagkasala si Zverev. Tinapos din ng ATP noong 2023 ang hiwalay na imbestigasyon sa mga alegasyon ni Olga Sharypova dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Paulit-ulit na itinanggi ni Zverev ang mga alegasyon.
MARAMI PANG SEEDED PLAYERS ANG NATALO
Natiyak na ni Zverev ang puwesto sa ATP Finals na gaganapin ngayong buwan sa Turin, ngunit naputol ang pag-asang makasama niya roon ni Djokovic matapos siyang talunin ng world number 83 na si Hijikata.
Tinalo ng 25-anyos na Australiano ang 24-beses na Grand Slam champion sa iskor na 2-6, 6-3, 6-3.
Dumating sa Paris ang 39-anyos na Serbiano, na hindi nakalahok sa huling dalawang edisyon ng season-ending tournament, na nangangailangan ng malalim na pag-abante sa torneo matapos ang maagang pagkakatanggal sa kanya sa Shanghai at Basel.
Sa iba pang laban, nakamit ng unseeded na Peruvian na si Ignacio Buse ang pinakamalaking panalo sa kanyang karera matapos gulatin ang fourth seed na Russian na si Daniil Medvedev, 6-4, 6-4.
Nakatanggap si Medvedev, na kuwalipikado na sa Turin, ng parusa dahil sa unsportsmanlike conduct matapos niyang hampasin ang court dahil sa pagkadismaya sa iskor na 4-4 sa ikalawang set.
Nagwagi rin ang Argentinian na si Tomas Martin Etcheverry matapos gulatin ang eighth seed na si De Minaur, 7-6(2), 6-3.
—Ulat ni Pearl Josephine Nazare sa Bengaluru; inedit ni Ed Osmond/Reuters

