TENNIS: Swiatek, target ang magandang pagtatapos sa season sa gitna ng pangambang hindi makapasok sa WTA Finals
Reuters; Isinalin ng Sari Story Network
October 14, 2026 at 6:13:53 AM
Nakalahok si Iga Swiatek sa bawat edisyon ng WTA Finals mula noong 2021, ngunit dahil paubos na ang panahon upang makakuha ng puwesto sa torneo na magtatapos sa season ngayong taon, batid ng Polish tennis star ang kahalagahan ng makapasok sa mga huling yugto ng kanyang natitirang mga torneo.
Isang torneo lamang ang naipanalo ng anim na beses nang kampeon sa mga Grand Slam ngayong taon, ang Canadian Open noong Agosto, at nabigong makausad lampas sa quarterfinals sa lahat ng apat na Grand Slam tournament.
Nasa ika-10 puwesto si Swiatek, 25, sa qualifying standings para sa WTA Finals na gaganapin sa Nobyembre 8 hanggang 15 sa Indian Wells. Nanalo siya sa WTA Finals noong 2023, ngunit apat na puwesto na lamang sa walong slot ang bukas para sa mga kuwalipikadong manlalaro.
May 3,799 puntos si Swiatek, 111 puntos na mas mababa kaysa kay Marta Kostyuk ng Ukraine na nasa ika-siyam na puwesto. Si Karolina Muchova, na may 4,615 puntos, ang may pinakamababang puntos sa mga manlalarong hindi pa nakatitiyak ng puwesto sa torneo.
“Alam ko ang sitwasyon at siyempre, malaking bagay kung makakapasok ako sa Finals. Tiyak na layunin namin iyon (Obviously I'm aware of the situation and it would be great to get into the Finals, for sure it's our goal),” sinabi ni Swiatek sa mga reporter nitong Lunes bago ang Wuhan Open.
“Ngayon lamang ako nakaharap sa ganitong sitwasyon upang makapasok sa Finals. (It's the first time I've faced a situation like that, to get into the finals.)
“Isa itong hamon, pero positibo ang tingin ko rito at lubos akong determinado. May ilan pang torneo na nakatakda (It's a challenge, but I feel like it's a positive one and I'm really motivated ... There are still a few tournaments ahead).”
Sinabi ni Swiatek na may ilang positibong pagbabagong nagawa siya sa kanyang laro sa ilalim ng kanyang coach na si Francisco Roig, na itinalaga niya noong Abril matapos maghiwalay ng landas kay Wim Fissette.
“Kailangan kong baguhin ang ilang bagay, at may magandang plano si Francisco para sa laro ko. Pakiramdam ko, malaki ang pag-unlad ng laro ko sa aming mga ensayo at maganda ang naging progreso (I needed to change some stuff, and Francisco has a really great idea for my game, and I feel like we're developing my game on the practice court quite a lot, and it's been good progress),” dagdag niya.
“Ang mga torneo sa US Open swing ang tiyak na pinakamagandang bahagi ng season ko, kaya ipinapakita nitong nasa tamang direksiyon ako (The US Open swing, for sure, was the most positive part of the season, so that shows that I'm going in the right direction).”
Makakaharap ni Swiatek ang kababayan niyang si Magdalena Frech sa kanyang unang laban sa Wuhan sa Miyerkules. Nakatakda rin siyang lumahok sa WTA 500 tournaments sa Ningbo at Tokyo bago makumpleto ang pagpili sa mga kalahok sa WTA Finals.

