top of page

TENNIS: Navarro maagang nagtapos sa 2026 season dahil sa matagal nang problema sa kalusugan

Sari Story

October 2, 2026 at 3:09:35 AM

Larawan ni Emma Navarro

Tennis - U.S. Open - Flushing Meadows, New York, United States - September 8, 2026
Si Emma Navarro ng U.S. habang naglalaro sa quarter-final laban kay Jessica Pegula ng U.S.

Eduardo Munoz / Reuters

Inihayag ng dating U.S. Open semi-finalist na si Emma Navarro na tatlong taon na siyang nakikipaglaban sa RED-S o Relative Energy Deficiency in Sport at Hashimoto’s hypothyroidism, kaya maaga niyang tinapos ang kanyang 2026 season upang tutukan ang kanyang paggagamot at nutrition plan.


Sa isang Instagram post noong Miyerkules, sinabi ng 25-anyos na Amerikana na umabot sa quarter-finals ng kanyang home Grand Slam tournament nang mas maaga ngayong buwan, na target niyang makabalik para sa Australian Open sa susunod na taon.


“Napagtanto ko na walang anumang bigat sa timbangan o pagiging payat ng mga bahagi ng iyong katawan ang mas mahalaga kaysa sa iyong kalusugan at kapakanan (I have learned that there is no weight on the scale or leanness in your limbs that is more valuable than your health or your well-being),” isinulat niya.


“Gagamitin ko ang natitirang bahagi ng taon para ayusin ang aking paggagamot at paraan ng pagkuha ng sapat na enerhiya at nutrisyon, nang sa gayon nawa ay muli akong maging 100% na ayos (I am taking the rest of this year to work on dialing in my medication and fueling protocols so that I can hopefully feel back to 100% again).”


Ang RED-S ay isang kondisyon kung saan hindi sapat ang enerhiyang natatanggap ng katawan para sa matinding pisikal na aktibidad na karaniwang ginagawa ng mga atleta. Samantala, ang Hashimoto’s hypothyroidism ay isang autoimmune disorder kung saan inaatake ng immune system ang thyroid gland, na nagiging sanhi ng pagbagal ng metabolismo.


Umabot si Navarro sa career-high ranking na world number eight dalawang taon na ang nakalipas. Sinabi niyang nakaranas siya ng matinding gutom at paghina ng immune system mula pa noong 2023, ngunit ipinagpatuloy niya ang paglalaro upang makasabay sa mahigpit na tennis calendar.


Tiniis niya ang pananakit ng ulo, pagkahilo at matinding pagkapagod sa kanyang pag-abot sa quarter-finals ng 2025 Australian Open. Hindi niya nalaman ang sanhi ng mga ito hanggang sa ma-diagnose siya ng mga doktor noong Nobyembre ng naturang taon.


“Sa nakalipas na taon, ibinigay ko ang buong atensyon ko rito. Binago ko ang aking pagkain at dinagdagan ang aking energy intake. Bagama’t nagtagal bago ko nagsimulang bumuti ang pakiramdam ko, unti-unti akong nakagawa ng progreso (So over the past year, I have gone all in. Changing my diet, increasing my energy intake... although it took a while to start feeling better, I gradually made progress),” isinulat ni Navarro.


“Kaya oo, nadagdagan ang timbang ko ngayong taon. Pero nabawi ko rin ang buhay ko. May sapat na akong enerhiya para sulitin ang bawat araw, magsanay o makipagkumpitensya sa antas na gusto ko, at mamuhay nang hindi umiikot ang lahat sa tennis (So yeah. I gained some weight this year. But I also gained my life back. I have enough energy to seize every day, to train or compete as hard as I want to, and to live a life outside of tennis).”


bottom of page