TENNIS: Alex Eala, pasok sa semifinals ng Hong Kong Open
Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network
November 7, 2026 at 10:45:00 AM
Nobyembre 3, 2026, Hong Kong, China: Kumilos si Alex Eala ng Pilipinas sa unang round ng singles match kontra kay Emerson Jones sa Prudential Hong Kong Tennis Open na ginanap sa Victoria Park. (Kuha ni Elson Li/South China Morning Post sa pamamagitan ng ZUMA Press Wire)
Elson Li/South China Morning post sa pamamagitan ng ZUMA Press WireZUMA Press Wire
Nakapag-usad sa semifinals ng WTA 250 Prudential Hong Kong Open ang second seed na si Alexandra Eala matapos manaig sa mahigpit na hamon ni Antonia Ružić ng Croatia, 7-6 (7), 7-5, nitong Biyernes ng gabi sa outdoor hardcourt ng Victoria Park Tennis Stadium.
Hawak ni Eala ang 4-3 kalamangan sa ikalawang set nang pansamantalang itinigil ang laro dahil sa ulan. Pagpapatuloy ng laban, mabilis na nakabawi si Ružić at naagaw ang 5-4 na kalamangan. Gayunman, ipinakita ni Eala ang kanyang kahinahunan sa gitna ng matinding laban at sunod na napanalunan ang tatlong laro upang tuluyang masungkit ang panalo sa quarterfinals matapos ang dalawang oras at 30 minutong bakbakan.
Dahil sa panalo, uusad ang world No. 17 na si Eala sa inaabangang semifinal match sa Sabado kontra sa fourth seed na si Maria Sakkari ng Greece, na nanaig nang kumbinsido kay Aliaksandra Sasnovich ng Belarus, 6-2, 6-3.
Kabilang sa naging daan ni Eala patungo sa final four ang dalawang sunod na panalo sa opening round kontra sa Australian lucky loser na si Emerson Jones, 6-4, 6-3, at sa Round of 16 kontra kay Tereza Valentova ng Czech Republic, 6-4, 7-6 (7).
Sa kabilang bahagi ng draw, naghatid ng malaking upset ang unseeded na si Alexandra Shubladze matapos walisin ang top seed na si Sorana Cîrstea ng Romania, 6-2, 6-3. Makakaharap ni Shubladze sa semifinals ang Americanong si Claire Liu, na nagpatalsik naman kay Zeynep Sönmez ng Turkey, 6-1, 6-4.
Kasabay ng Hong Kong Open ang Chennai Open sa India. Kapwa ito nagsisilbing huling warm-up tournament sa kalendaryo ng WTA bago ang season-ending WTA Finals na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 8 sa Indian Wells, California.
—Paraluman News, batay sa ulat ng Philippine News Agency

