top of page

TENNIS: Alex Eala, pasok sa quarterfinals ng HK Open

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 6, 2026 at 6:52:19 AM

Larawan ni Alex Eala

Umusad si Alexandra Eala sa quarterfinals ng Hong Kong Open matapos talunin si Tereza Valentova noong Nobyembre 5.

Hong Kong Open Photo/PNA

Umusad sa quarterfinals ng WTA 250 Hong Kong Open ang pambato ng Pilipinas sa tennis na si Alexandra Eala matapos talunin ang Czech player na si Tereza Valentova, 6-4, 7-6 (7-0), sa Victoria Park Tennis Stadium nitong Huwebes, Nobyembre 5.


Makakaharap naman ng second seed sa susunod na round ang Croatian na si Antonia Ruzic, na nagwagi kontra sixth-seeded Chinese player na si Wang Xinyu, 6-3, 4-6, 6-2.


Nakapasok si Eala sa second round matapos talunin ang Australian na si Emerson Jones, 6-4, 6-3. Nakapasok si Jones sa main draw bilang lucky loser kasunod ng pag-atras ng American player na si Alycia Parks dahil sa injury sa balikat.


Samantala, nakabawi ang fourth seed na si Maria Sakkari ng Greece laban sa Australian na si Maya Joint, 4-6, 6-3, 6-3, upang makasagupa sa quarterfinals ang Belarusian na si Aliaksandra Sasnovich, na nagpabagsak sa fifth-seeded Australian na si Talia Gibson.


Umakyat din sa quarterfinals ang American na si Claire Liu matapos talunin sa straight sets ang British player na si Katie Boulter. Makakaharap niya sa quarterfinals ang Turkish na si Zeynep Sonmez.


Sa isa pang quarterfinal matchup, maghaharap sina Alexandra Shubladze at ang mananalo sa pagitan ng top-seeded Romanian na si Sorana Cirstea at American na si Mary Stoiana.


Isa ang Hong Kong Open sa dalawang WTA 250 tournament na idinaraos ngayong linggo, kasama ang Chennai Open sa India. Ito ang mga huling torneo sa kalendaryo ng WTA bago magsimula ang season-ending WTA Finals sa Nobyembre 8.


Paraluman News, batay sa ulat ni Jean Malanum/Philippine News Agency


bottom of page