top of page

SOCCER: Ronaldo, nanawagan ng lifetime ban laban sa mga tagahangang umawit ng “Jota” kay Neves

Sari Story

September 14, 2026 at 12:31:32 PM

Larawan ni Cristiano Ronaldo

Soccer Football – Saudi Pro League: Reaksyon ni Cristiano Ronaldo ng Al Nassr sa laban kontra Al Khaleej sa Prince Mohammed bin Fahd Stadium sa Dammam, Saudi Arabia, noong Setyembre 12, 2026.

Hamad I Mohammed / Reuters

RIYADH — Nanawagan si Cristiano Ronaldo nitong Linggo na habambuhay nang pagbawalan sa mga football stadium ang mga tagahangang umano’y umawit ng “Jota” laban kay Ruben Neves sa isang laban sa Saudi Pro League.


Nangyari ang insidente noong Sabado sa laban ng Al-Taawoun at Al-Hilal, ang koponan ni Neves, sa Buraidah, Saudi Arabia.

Si Diogo Jota, na dating teammate ni Ronaldo at malapit na kaibigan ni Neves, ay namatay noong Hulyo 3, 2025, sa isang car crash sa Zamora, hilagang-kanlurang Spain. Kasama niyang nasawi ang kanyang kapatid na si Andre Silva. Isa si Neves sa mga naging pallbearer sa libing ni Jota.


Sa mga video na kuha mula sa mga manonood at kumalat sa social media, makikitang tila may mga tagahanga na paulit-ulit na sumisigaw ng “Jota.”


Napansin ito ni Neves, na tumugon sa pamamagitan ng pagturo sa kanyang mata at pagkatapos ay sa langit.


“Sana hindi na sila magdasal pagkatapos nito (I hope they don't go to pray afterwards),” sabi ni Neves sa mixed zone matapos ang laro.


Bilang tugon sa isang Instagram post na nagpapakita ng video ng insidente, nagkomento si Ronaldo gamit ang kanyang personal na account.


“Dapat kumilos ang liga at parusahan ang ganitong uri ng pag-uugali ng mga tagahanga (The league must take action and punish this kind of fan behaviour),” saad ni Ronaldo.

“Hindi na ito maituturing na football, at dapat may hangganan ang lahat. Ang mga taong gumagawa ng ganito ay hindi na dapat payagang makapasok muli sa isang stadium (This is no longer football, and there have to be limits. People who behave like this should never be allowed to enter a stadium again),” dagdag pa niya.


Nagtapos ang laban sa iskor na 6-0 pabor sa Al-Hilal. Naglaro si Neves nang 75 minuto bago siya pinalitan.


Nakipag-ugnayan na ang Reuters sa Al-Taawoun at Al-Hilal para hingin ang kanilang pahayag tungkol sa insidente.


bottom of page