top of page

SOCCER: Munoz, ibinahaging malaking dahilan si Glasner sa paglipat sa Nottingham Forest

Sari Story

September 2, 2026 at 8:28:25 AM

Larawan ni Daniel Munoz

Larawan ni Daniel Munoz sa isa niyang laro sa London noong August 28, 2026


Larawan na kuha ni Peter Cziborra/Reuters

Ibinahagi ng Colombian right back na si Daniel Munoz na isa sa mga pangunahing dahilan ng kanyang paglipat sa Nottingham Forest ay ang kanyang pagnanais na makatrabahong muli si Austrian coach Oliver Glasner. Sinabi niya ito matapos kumpirmahin ang kanyang paglipat mula sa Crystal Palace nitong Lunes.


Si Glasner, na naghatid sa Palace ng unang major silverware nito matapos manalo sa FA Cup at UEFA Conference League sa magkasunod na taon, ay lumipat mula Selhurst Park patungo sa City Ground sa pagtatapos ng nakaraang season.


Si Munoz, 30, na naging mahalagang bahagi ng tagumpay ng Palace sa ilalim ni Glasner, ay lumagda ng tatlong taong kontrata sa Nottingham Forest, na maaari pang mapalawig ng isang taon.


"I think that Oliver Glasner is special, I have a very good relationship with him and we did big things together, it was an incredibly special period," ani Munoz sa website ng Forest.


"He's a tireless worker, he's a winner, and I think that's a part of the decision I've made—I know him and I know how he works, how his assistants are, and really they all have the same mentality and I'm on the same wavelength,” dagdag ni Munoz.


Nakagawa si Munoz ng 46 appearances sa lahat ng kompetisyon para sa Palace noong nakaraang season, kabilang ang 29 na laro sa Premier League, kung saan nakapagtala siya ng apat na goal at tatlong assist.


Mayroon na rin siyang 51 appearances para sa Colombia at naging bahagi ng kanilang squad para sa 2026 World Cup.


"Daniel is a player who has consistently demonstrated his quality at the highest level, and we are delighted to bring him to Nottingham Forest," ani Forest Chief Football Officer George Syrianos.


Ang Forest, na nagtala ng draw laban sa Liverpool nitong weekend matapos matalo sa Leeds United sa opening day ng Premier League season, ay maaaring magbigay kay Munoz ng kanyang debut laban sa Tottenham Hotspur sa Sabado.


bottom of page