SOCCER: Driving license ni Daniel Maldini, nasuspinde matapos ang aksidente
Sari Story
September 15, 2026 at 6:13:46 AM
Sinuspinde ang lisensya sa pagmamaneho ng Italian soccer player na si Daniel Maldini matapos siyang mapatunayang lumampas sa itinakdang alcohol limit kasunod ng isang car crash sa Milan nitong madaling-araw ng Linggo, ayon sa isang source sa lokal na pulisya nitong Lunes.
Isa si Maldini sa anim na indibidwal na nagtamo ng minor injuries matapos bumangga ang kanyang Porsche Carrera 4 sa isa pang sasakyan sa hilagang bahagi ng lungsod bandang alas-5:15 ng madaling-araw (3:15 GMT) noong Linggo.
Dinala sa ospital ang 24-anyos na si Maldini para sa pagsusuri bago pinalabas kalaunan noong araw ding iyon.
Ayon sa source, lumabas sa unang breath test na isinagawa ng lokal na pulisya sa lugar ng aksidente na nasa 0.91 gramo kada litro ang blood alcohol level ni Maldini, habang 0.89 g/l naman ang naitala sa ikalawang pagsusuri. Ang legal alcohol limit sa Italy ay 0.5 g/l.
Matapos dalhin sa ospital para sa karagdagang pagsusuri, sumailalim din si Maldini sa drug test, ngunit inaasahang lalabas ang resulta nito makalipas pa ang tatlo hanggang apat na araw, ayon sa source ng pulisya.
Tumangging magkomento ang abogado ni Maldini na si Danilo Buongiorno.
Naka-iskor si Maldini ng winning goal mula sa penalty nang talunin ng Cagliari ang Atalanta, 2-1, sa Serie A sa lungsod ng Bergamo, malapit sa Milan, noong Sabado ng gabi.
Anak si Maldini ng dating Italy at AC Milan defender na si Paolo Maldini. Anim na beses na siyang naglaro para sa Italian national team.

