top of page

Sen. Bam Aquino, isinusulong ang pagpapaunlad ng isports sa antas ng komunidad

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network

November 26, 2026 at 8:12:36 AM

Larawan ni Senador Bam Aquino

Screenshot ng larawan ni Senador Bam Aquino mula sa Facebook page ng Senado ng Pilipinas.

Voltaire Domingo/Senate Social Media Unit

Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang mas malaking pamumuhunan sa pagpapaunlad ng isports sa antas ng komunidad, at binigyang-diin ang pangangailangan para sa mas maraming pasilidad sa pagsasanay, kagamitan, at mga programa sa paggabay ng mga atleta upang mabigyan ang mga atletang Pilipino ng mas magandang pagkakataong makipagkompetensiya sa pandaigdigang entablado.


Nanawagan si Aquino matapos makipagpulong sa Pilipinong pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena, na nagbahagi ng mga hamong kinakaharap ng mga pambansang atleta at ng kaniyang mga pagsisikap na mahikayat ang mas maraming mamamayan sa mga komunidad na sumali sa naturang isports.


“Marami tayong magagaling na atleta sa bansa na hindi natutukoy at hindi nabibigyan ng pagkakataon para maipakita ang kanilang kakayahan. Kailangan nating palakasin ang suporta sa kanila,” ayon kay Aquino.


“Ibigay natin ang lahat nilang kailangan, mula sa kanilang pagsisimula hanggang sa pagsabak sa mga international event, na makatutulong sa kanilang hangarin ng magbigay ng karangalan ang ating bansa,” dagdag niya.


Tinukoy ni Aquino ang mga tagumpay ni Obiena sa pandaigdigang kompetisyon bilang halimbawa ng kayang makamit ng mga atletang Pilipino kapag nabibigyan ng sapat na suporta at oportunidad.


“Si EJ ay isang matibay na patunay na kapag nabigyan ng tamang suporta at oportunidad ang isang atleta, kaya niyang makipagsabayan sa iba pang world-class athletes at maghatid ng karangalan para sa Pilipinas,” pahayag ng senador.


Samantala, ibinahagi ni Obiena ang kanyang mga planong palaganapin ang pole vault sa mga kabataang Pilipino sa pamamagitan ng sports clinics at mga programa sa pagsasanay na naglalayong hubugin ang susunod na henerasyon ng mga atleta sa naturang isports.


Sa pagpupulong, inilapit din ni Obiena at ng kaniyang inang si Jeanette ang usapin ng kakulangan sa mga pasilidad sa pagsasanay, kagamitan, at kwalipikadong coach, partikular sa mga lalawigan kung saan limitado ang mga mapagkukunan at oportunidad para sa mga nagnanais maging atleta.


Ayon kay Aquino, makatutulong ang mga napag-usapan sa pagbuo ng kaniyang panukalang batas para sa reporma sa isports, na naglalayong tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng mga pambansang atleta at estudyanteng atleta.


Isinasaalang-alang din niya ang mga naunang konsultasyon sa dalawang beses na Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at volleyball player na si Alyssa Valdez upang matiyak na ang mga panukalang reporma ay nakabatay sa aktuwal na karanasan at pangangailangan ng mga atleta at coach.


“Kaya naman sa binubuo nating panukalang batas para sa sports reform sa bansa, mahalagang makinig mismo sa ating mga atleta at coaches. Tulad ng mga nauna nating pakikipag-usap kina Alyssa Valdez at Carlos Yulo, nais nating tiyakin na ang mga repormang isusulong natin ay nakabatay sa kanilang tunay na karanasan at pangangailangan,” pahayag ni Aquino sa isang Facebook post.


Sa naturang pagpupulong, iniabot din ni Aquino kay Obiena ang kopya ng Senate Resolution No. 701, na bumabati at kumikilala sa kaniyang pagkapanalo ng gintong medalya sa pole vault sa ika-20 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan. Nalampasan ni Obiena ang taas na 5.91 metro upang magtala ng bagong rekord sa Asian Games.


Naghain din si Aquino ng magkahiwalay na resolusyon upang kilalanin ang gymnast na si Carlos Yulo sa pagkapanalo ng dalawang gintong medalya at ang atleta ng taekwondo na si Jeus Gabriel Derick Yape sa pagkamit ng gintong medalya sa mixed individual virtual taekwondo sa parehong palaro.


Inihain din niya ang Senate Resolution No. 702 upang kilalanin ang 447-kataong delegasyon ng Pilipinas at ang mga atletang Pilipinong nagkamit ng medalya matapos maitala ng bansa ang pinakamalaking bilang ng mga medalyang napanalunan nito sa Asian Games sa loob ng anim na dekada, na binubuo ng apat na ginto, siyam na pilak, at 16 na tansong medalya.


bottom of page