PVL: Creamline, una nang nakapasok sa Finals matapos talunin ang Choco Mucho
Sari Story Network
November 26, 2026 at 3:37:46 AM
Tinira ni Tots Carlos (kanan) ng Creamline ang depensa ni Kat Tolentino ng Choco Mucho sa semifinals ng Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City nitong Martes, Nobyembre 24, 2026. Nanguna si Carlos sa lahat ng manlalaro sa pamamagitan ng naitala niyang 13 puntos, mula sa 11 attacks at dalawang blocks.
PVL / Philippine News Agency
Una nang nakapasok ang Creamline sa Finals ng Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference matapos talunin ang Choco Mucho, 21-25, 25-17, 25-17, 25-23, sa PhilSports Arena sa Pasig City nitong Martes, Nobyembre 24.
Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, naitala ni Tots Carlos ang serve na nagbigay ng paniguradong panalo sa Cool Smashers at tumulong upang makuha ng koponan ang twice-to-beat advantage.
Nagtala si Carlos ng 13 puntos mula sa 11 attacks at dalawang blocks.
“Masaya kami na makabalik sa Finals. Nagpapasalamat lang ako na nandito kami at kumpleto ang team. Kahit nahihirapan kami, ipinaglaban namin ito (We’re really happy to be back in the finals. I’m just glad that we’re here, we’re complete. Despite the hardships, we made it),” pahayag niya.
Nagdagdag naman sina Bernadette Pons at Michele Gumabao ng tig-11 puntos, habang may 10 puntos si Jema Galanza para sa Creamline.
Nakabawi ang Cool Smashers matapos matalo sa unang set at nalampasan ang dikit na labanan sa fourth set, kung saan hindi lumampas sa dalawang puntos ang naging kalamangan ng alinmang koponan sa mga huling bahagi ng set.
Nanguna naman sina Eya Laure at team captain Cherry Ann Rosales para sa Choco Mucho sa tig-14 puntos. Tinalo ng Choco Mucho ang Creamline sa limang sets noong elimination round, Nobyembre 12.
Nagdagdag si Kat Tolentino ng walong puntos, habang nagtala sina Caitlin Viray at Maddie Madayag ng pito at anim na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nanatili sa karera para sa natitirang puwesto sa Finals ang Farm Fresh matapos talunin ang Nxled, 27-25, 21-25, 25-18, 19-25, 15-13.
Dahil sa panalong ito, magkakaroon ng sudden-death match sa Huwebes upang matukoy kung sino ang makakaharap ng Creamline sa championship round.
Sari Story Network mula sa ulat ni Jean Malanum / Philippine News Agecy / RAS

