top of page

NBA: Jalen Johnson, nagkamit ng 30 puntos; pinangunahan ang Hawks sa panalo kontra Nets

Field Level Media / Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

November 9, 2026 at 5:07:09 AM

Larawan ni Jalen Johnson

Atlanta, Georgia, USA; Nobyembre 7, 2026 — Isinagawa ni Atlanta Hawks forward Jalen Johnson (1) ang isang dunk laban sa Brooklyn Nets sa third quarter ng kanilang laban sa State Farm Arena.

Reuters / Jordan Godfree / Imagn Images

Sa kaniyang pagbabalik mula sa three-game absence, muling nakapaglaro at nagtala si Jalen Johnson ng season-high na 30 puntos at pinangunahan ang Atlanta Hawks sa 124-121 na panalo kontra sa visiting Brooklyn Nets.


Pinalawig ng Atlanta ang kanilang winning streak sa apat na sunod na laro.


Matapos hindi makapaglaro sa loob ng isang linggo dahil sa sprained ankle, umiskor si Johnson ng 12 puntos sa fourth quarter na nakatulong sa Atlanta na makabawi mula sa anim na puntos na pagkakaiwan at makuha ang ikaanim na sunod na panalo laban sa Nets.


Nahabol ng Atlanta ang buong laro at umabot pa sa 17 puntos ang kanilang pagkakaiwan bago tuluyang nakalamang. Naitala ni Nickeil Alexander-Walker ang dalawang free throw na naghatid sa unahan sa Hawks, 115-114, may 1 minuto at 26 na segundo pa sa laro. Sinundan niya ito ng isang jump shot upang palawakin sa tatlong puntos ang kalamangan ng Atlanta, na hindi na naabutan ng Brooklyn.


Nagtala si Johnson ng 11-of-17 shooting, bagama't hindi siya nakapuntos sa lahat ng lima niyang pagtatangka mula sa three-point range. Nag-ambag din siya ng pitong rebounds at anim na assists. Kapwa umiskor ng 20 puntos sina Alexander-Walker at Aaron Wiggins, na nakapagtala ng 12 puntos sa fourth quarter.


Samantala, kinailangang dalhin sa locker room ang center ng Hawks na si Onyeka Okongwu sa unang minuto ng laro matapos tamaan sa lalamunan ng siko ni Julius Randle. Gayunman, nakabalik siya sa laro at nagtapos na may 16 puntos.


Nanguna naman sa opensa ng Nets si Michael Porter Jr. na umiskor ng 25 puntos at kumuha ng siyam na rebounds. Nagdagdag si Randle ng 19 puntos, anim na rebounds at walong assists.

Nagtala rin si Nolan Traore ng 19 puntos, habang umiskor ng season-high na 18 puntos si rookie Mikel Brown Jr. bilang reserve player. Kabilang dito ang 13 puntos sa fourth quarter na pansamantalang nagpabagal sa paghabol ng Atlanta.


Nakapagtala naman si Day'Ron Sharpe ng 12 puntos, 10 rebounds at 13 assists para sa kaniyang ikalawang triple-double ngayong season para sa Brooklyn, na salit-salitang nakapagtala ng panalo at talo sa nakalipas na limang laro.


Mainit ang naging simula ng Nets sa first quarter matapos maitala ang 73.7 porsiyentong shooting mula sa field. Umiskor si Traore ng siyam na puntos at tumulong sa Brooklyn na makalamang nang hanggang 17 puntos at tapusin ang unang quarter sa 37-27.


Unti-unting nakabawi ang Atlanta at naibaba sa dalawang puntos ang kanilang pagkakaiwan matapos makumpleto ni Johnson ang isang three-point play at makapagtala ng dalawang free throw para sa 68-66 iskor. Gayunman, nakalusot si Traore para sa isang jump shot sa pagtatapos ng first half upang mapanatili ng Nets ang kalamangan sa 70-66.


Muli pang nakalapit sa dalawang puntos ang Hawks bago nakapagtala ang Nets ng pitong sunod na puntos para palawakin sa 79-70 ang kanilang kalamangan. Umabot pa sa 11 puntos ang abante ng Brooklyn at nakapagtala ng 95-88 papasok ng fourth quarter.


Nakagawa ng pitong puntos na kalamangan ang Atlanta matapos maisalpak ni Wiggins ang isa sa kaniyang dalawang free throw may 9.5 segundo pa sa laro. Nakapaglapit naman sa dalawang puntos ang Brooklyn matapos ang three-point shot ni Danny Wolf may 1.5 segundo na lamang ang nalalabi. Nakapuntos si Okongwu sa isa niyang free throw ngunit hindi niya naipasok ang ikalawa, may 0.2 segundo bago tuluyang matapos ang laro.


-Field Level Media / Reuters


bottom of page