MOTORSPORTS: Rwanda, makakakuha ng 10-taong kasunduan para sa pagho-host ng F1 race
Reuters / Philbert Girinema; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/Sari Story Network
October 14, 2026 at 10:32:34 AM
Muling mapapabilang ang Africa sa kalendaryo ng Formula One sa unang pagkakataon sa siglong ito matapos makipagkasundo ang Rwanda sa loob ng 10 taon upang mag-host ng karera simula sa unang bahagi ng dekada 2030, ayon sa anunsyo ng organisasyon nitong Martes.
Huling nagdaos ng karera ang Formula One sa kontinente noong 1993 sa Kyalami circuit sa South Africa, hilaga ng Johannesburg. Matagal nang isinusulong ng nasabing motorsport ang pagbabalik nito sa Africa.
“Isa itong makasaysayang sandali para sa Formula One (Today is a landmark moment for Formula One),” pahayag ni Chief Executive Stefano Domenicali sa isang press conference sa kabisera ng Rwanda na Kigali, kasama sina Pangulong Paul Kagame at International Automobile Federation (FIA) President Mohammed Ben Sulayem.
“Sa pagsali ng Rwanda sa kalendaryo ng karera simula sa susunod na dekada, magkakaroon na ng karera ang ating sport sa lahat ng kontinenteng may permanenteng naninirahan, kaya mas mapapalapit ang world championship sa mga tagahanga sa iba’t ibang panig ng mundo (With Rwanda joining the calendar from the next decade, our sport will race in every inhabited continent, bringing the world championship closer than ever to fans around the globe).
“Matagal nang bahagi ng kinabukasan ng Formula One ang Africa. Mula pa sa simula, determinado kaming makabalik sa tamang paraan, kasama ang angkop na katuwang, pangmatagalang paninindigan, at malinaw na pananaw upang makalikha ng makabuluhang epekto (Africa has always been part of Formula One's future, and from the beginning we were determined to return in the right way, with the right partner, a long-term commitment and a clear vision for creating meaningful impact).”
Dalawang taon na ang nakalilipas nang ihayag ni Kagame ang bid ng kanyang bansang Rwanda, na matatagpuan sa Silangang Africa at walang baybayin. Kabilang sa mga plano ang pagtatayo ng isang sadyang idinisenyong Grade One racetrack malapit sa bagong international airport na kasalukuyang ginagawa sa Bugesera, humigit-kumulang 40 kilometro sa timog ng Kigali. Inaasahang matatapos ang circuit sa unang bahagi ng susunod na dekada.
Ang Rwanda ang magiging ikatlong bansa sa Africa na magho-host ng isang round ng kampeonato na nagsimula noong 1950. Nauna nang nagdaos ng karera ang Morocco sa labas ng Casablanca noong 1958.
Ayon kay Domenicali, higit pa sa pagho-host ng isang Grand Prix ang layunin ng kasunduan sa Rwanda. Binigyang-diin niya ang mga benepisyong pang-ekonomiya at panlipunan na maidudulot nito sa pamamagitan ng turismo at pamumuhunan.
“Para sa aming mga tagahanga, isa itong kapana-panabik na pagkakataon (For our fans this is an especially exciting moment),” dagdag niya. “Mahigit 100 milyon ang mga tagahanga ng Formula One sa Africa, at patuloy pang mabilis na dumarami ang bilang na ito (Africa is home to more than 100 million Formula One fans and that number continues to grow rapidly).”

