top of page

MOTORSPORTS: Dating kampeon sa F1 na si Alan Jones, pumanaw sa edad na 80

Paraluman News; Isinalin ni Sandra Samala-Salem/ Sari Story Network

November 6, 2026 at 6:52:19 AM

Larawan ng isang sasakyang pangkakera

FILE PHOTO: Minamaneho ng Australianong si Alan Jones, kampeon sa Formula One noong 1980, ang isang F1 race car sa Brands Hatch, West Kingsdown, Britain, noong Agosto 21, 1985.

Reuters / John Eggitt

Pumanaw na sa edad na 80 ang dating kampeon sa Formula One na si Alan Jones matapos ang maikling pagkakasakit, ayon sa Australian Grand Prix Corporation nitong Huwebes.


Naging ikalawang world champion ng Australia si Jones, kasunod ni Jack Brabham, matapos niyang masungkit ang titulo sa mga drayber noong 1980. Ito rin ang kauna-unahang kampeonato para sa tanyag na Williams team.


Isinilang si Jones sa Melbourne at anak ng isang racing driver. Tumungo siya sa Europa upang higit pang paunlarin ang kaniyang karera sa karera ng sasakyan at nag-debut sa Formula One sakay ng Hesketh sa 1975 Spanish Grand Prix.


Nakuha niya ang una sa kaniyang 12 panalo sa karera sa Austria noong 1977 bilang miyembro ng Shadow team. Gayunman, hindi naging kapansin-pansin ang malaking bahagi ng kaniyang karera hanggang sa sumali siya sa Williams noong 1978.


Limang panalo sa world championship races ang naitala ni Jones noong 1980 season. Nagtapos din siya sa podium sa lahat maliban sa isa sa mga Grand Prix na natapos niya, dahilan upang masungkit ang titulo at talunin si Nelson Piquet ng Brazil.


Nananatili siyang huling Australianong kampeon sa Formula One at huling lokal na drayber na nagwagi sa Australian Grand Prix. Nakuha niya ang naturang panalo noong 1980, bago pa ito maging bahagi ng world championship.


—Ulat ni Nick Mulvenney sa Sydney; inedit ni Lincoln Feast/Reuters


bottom of page