top of page

India, target na pantayan ang rekord sa Hangzhou Asian Games sa Nagoya

Sari Story

September 16, 2026 at 7:02:32 AM

Larawan ng Italian Cruise Ship na Costa Serena

Isang lalaki ang naglalakad malapit sa Italian cruise ship na Costa Serena, na magsisilbing pansamantalang floating athletes' village para sa 4,000 hanggang 5,000 kalahok sa Aichi-Nagoya 2026 Asian Games, matapos itong dumaong sa daungan ng Nagoya, Japan, Setyembre 15, 2026.

Edgar Su / Reuters

Determinado ang India na muling makalagpas sa 100 medalya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya at patatagin ang puwesto nito sa likod ng tatlong nangungunang sports powers sa Asya.


Umabot sa 107 medalya ang napanalunan ng India sa Hangzhou tatlong taon na ang nakalipas, malaking dagdag mula sa 70 medalya nito sa Jakarta-Palembang noong 2018. Ito rin ang unang pagkakataon na nakakuha ang India ng mahigit 100 medalya sa Asian Games, bukod sa China, Japan at South Korea na nakagawa na nito noon.


Umaasa rin ang India na makamit ang layuning maging ikaapat na bansa sa Asya na magho-host ng Summer Olympics sa 2036.


“Ang target natin ay 2036. Sa oras na tayo ang mag-host ng Olympics, kailangan nating matatag na makilala sa world stage (Our target is 2036 – by the time we host the Olympics, we need to be firmly established on the world stage),” sabi ni Sports Minister Mansukh Mandaviya noong nakaraang linggo.


“Malaki ang tiwala ko na mahusay na magpe-perform ang ating mga atleta sa Asian Games at mas mapapalakas nila ang dangal ng bansa (I have complete faith that our contingent will perform well at the Asian Games and increase the pride of the country).”


Posibleng maabot ng India ang 100-medal mark sa ikalawang sunod na Asian Games kahit wala ang star javelin thrower na si Neeraj Chopra, na hindi makapagtatanggol sa kaniyang titulo matapos mapinsala ang ligament niya.


Sa Hangzhou, pito sa 28 gintong medalya ng India ay nakuha sa shooting, habang anim naman ang galing sa athletics. Inaasahan ng bansa na magiging malaking pinagkukunan pa rin ng medalya ang dalawang sports na ito sa Nagoya.


Nakuha rin ng India ang lahat ng gintong medalya sa compound archery sa Hangzhou. Kaya naman, mas mababa sa limang gintong medalya sa event na ito ang maaaring maging kabiguan para sa kanilang kampanya.


MISYON NI MIRABAI


Gayunman, higit na ikadidismaya ng India kung hindi nito mauulit ang dalawang gintong medalya sa cricket na napanalunan nito sa Hangzhou.


Kasalukuyang world champion sa Twenty20 ang men's cricket team ng India, habang bagong kampeon naman sa Asia Cup ang women's team matapos ang kanilang tagumpay sa Dubai noong Linggo.


Mataas din ang kumpiyansa ng India na makukuha nito ang dalawang gintong medalya sa field hockey matapos magtapos sa ikalimang puwesto ang women's team sa World Cup noong Agosto, ang pinakamahusay na naging resulta ng isang Asian team sa torneo.


Inaasahan din ang dagdag na medalya mula sa kabaddi, squash, wrestling at weightlifting. Gayunman, nananatiling mahina ang India sa aquatic sports.


Sa weightlifting, target naman ng Tokyo Olympics silver medalist na si Mirabai Chanu na makuha ang tanging malaking titulo na wala pa sa kaniyang koleksiyon.


Sa kabila ng tatlong gintong medalya niya sa Commonwealth Games, hindi pa nakakuha si Chanu ng medalya sa Asian Games sa dalawa niyang naging pagtatangka dahil sa mga injury at pagbaba ng kaniyang kondisyon.


Ngayon na ganap nang nakarekober, umaasa ang 32-anyos na si Chanu na makakuha ng medalya sa 49-kilogram category. Gayunman, alam niyang magiging matindi ang kompetisyon na inaasahan niyang halos kapantay ng antas ng Olympics.


“Ang pinakamalalakas na weightlifter sa aking weight category ay mula sa Asya at masisilayan ninyo sa Japan ang antas ng kompetisyon na parang Olympics (The strongest lifters in my weight category come from Asia and you will get a glimpse of the Olympics in Japan),” sabi niya bago magsimula ang Games.


bottom of page