top of page

Gilas tinalo ang Iran, winalis ang Window 4 at pinalakas ang tsansa sa World Cup

Sari Story

August 31, 2026 at 1:33:24 PM

Larawan ni Kai Sotto

Kai Sotto ng Pilipinas, malakas na nag-dunk sa kanilang laban kontra Iran, kung saan nagwagi ang Gilas Pilipinas, 68-56.

Larawan mula sa Facebook page ng One Sports+

MANILA – Pinalakas ng Gilas Pilipinas ang kampanya nito para sa ikaapat na sunod na paglahok sa FIBA Basketball World Cup matapos makumpleto ang mahalagang sweep sa Window 4 sa bisa ng 68-56 panalo kontra Iran sa FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers nitong Linggo ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Pinangunahan nina Kai Sotto, Juan Gomez de Liaño at Dwight Ramos ang decisive fourth-quarter run ng Pilipinas para tuluyang makalayo sa Iran at umangat sa 4-4 ang kartada nito sa Group E ng Asian Qualifiers.

Nagtala si Sotto ng panibagong double-double matapos kumamada ng 13 puntos at 16 rebounds, habang tig-16 puntos naman sina Gomez de Liaño at Ramos.

Malaki rin ang naging ambag ni AJ Edu sa depensa matapos magtala ng walong puntos, walong rebounds at tatlong blocks para matulungan ang Gilas na kontrolin ang paint.

Tulad ng kanilang kapana-panabik na 82-81 overtime victory kontra Jordan noong Biyernes, mabagal na naman ang naging simula ng Nationals. Naiwan ang Pilipinas, 7-18, sa unang quarter bago nakahanap ng ritmo sa ikalawang yugto.

Nilampaso ng Gilas ang Iran, 29-16, sa second period para kunin ang 36-34 abante sa halftime.

Nanatiling dikit ang laban sa second half, kung saan nagbanta ang Iran na mabawi ang momentum matapos itabla ni Mohammad Amini ang laro sa 54-all may 7:20 minuto pang nalalabi.

Agad namang gumanti si Ramos ng three-pointer para muling itulak sa unahan ang Gilas, 57-54, mahigit anim na minuto bago matapos ang laro.

Lalong hinigpitan ng Pilipinas ang depensa at nilamang nito ang Iran, 11-2, sa mga huling minuto upang selyuhan ang panalo.

Umakyat sa 4-4 ang rekord ng Gilas at nananatili itong malakas ang tsansa na makakuha ng puwesto sa World Cup sa susunod na taon.

Nangunguna ang Australia sa Group E tangan ang perpektong 8-0 rekord, kasunod ang New Zealand na may 6-2, Iran at Jordan na parehong may 5-3, habang nasa ilalim ng grupo ang Syria na may 2-6.

Ang 12 nangungunang koponan mula sa Asia-Oceania qualifiers ay hinati na sa dalawang grupo na tig-anim para sa second round. Ang tatlong nangungunang koponan sa bawat grupo, kasama ang pinakamahusay na fourth-place team, ang uusad sa 2027 FIBA Basketball World Cup. Awtomatikong may puwesto na sa torneo ang host na Qatar.

Nakatakda ang Window 5 mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 1, habang ang Window 6 ay gaganapin mula Pebrero 2 hanggang Marso 2, 2027.

Susunod na makakaharap ng Gilas ang Syria at Iran habang ipinagpapatuloy nito ang kampanya para sa panibagong World Cup berth.

bottom of page