top of page

Eumir Marcial, umatras sa Asian Games dahil sa kakulangan ng oras sa paghahanda

Sari Story

September 21, 2026 at 5:54:40 AM

Larawan ni Eumir Felix Marcial

FILE PHOTO: Nagdiwang si Eumir Felix Marcial matapos niyang manalo ng gintong medalya sa men’s light heavyweight laban kay Maikhel Roberrd Muskita ng Indonesia sa Southeast Asian Games sa Chulalongkorn University Sports Center sa Bangkok, Thailand, noong Disyembre 19, 2025.

REUTERS / Patipat Janthong

MANILA — Magandang balita, nakamit ni Eumir Marcial ang mabilis na panalo na kailangan sana niya para makahabol sa biyahe patungong Japan para sa Asian Games. Pero ang masamang balita, hindi na siya tutuloy sa biyahe.


Tinalo ng Olympic bronze medalist si Mexican-American Omar Ulises Huerta sa pamamagitan ng third-round knockout sa kanilang middleweight bout sa San Diego, California nitong Linggo.


“Nakipag-usap ako kay Eumir kaagad matapos niyang manalo sa kanyang professional fight. Matapos naming pag-isipang mabuti ang sitwasyon, napagkasunduan namin na mas makabubuting hindi na siya sumali sa Asian Games (I spoke to Eumir right after winning his professional fight earlier. After carefully considering the situation, Eumir and I agreed that it would be better to skip the Asian Games),” sabi ni Marcus Manalo, pangulo ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa isang text message sa media kasunod ng laban ni Marcial sa Pechanga Arena, at iginiit na nag-ugat ang desisyon sa mahabang biyahe patungong Nagoya at maikling panahon ng paghahanda.


Natapos ni Marcial ang laban sa oras na 1:54 ng third round. Ito ang unang beses na bumagsak si Huerta sa kanyang karera.


Nanginginig pa matapos tamaan ng right hook ni Marcial, hindi na nakabangon si Huerta bago matapos ang 10-count, dahilan para itigil ng referee ang laban.


“Hinihintay ko ang suntok na iyon para ma-counter dahil sa second round, natamaan niya ako ng ilang beses. Kaya sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong bantayan ang suntok na iyon at pagkatapos ay i-counter. Iyon ang ginawa ko, at iyon ang naging resulta (I've been waiting for that punch to counter it because in the second round, he got me with a couple of shots, so I said, I need to watch this punch and then counter. So that's what I did, and then that's the outcome),” kwento ni Eumir Marcial sa panayam sa FightHype.


Nagsilbing pag-asa sa mga Pilipino ang nasabing knockout para makasali pa rin si Marcial sa Asian Games.


Gayunman, napagdesisyunan ng ABAP na masyadong maikli ang tatlong araw na pagitan mula sa kanyang professional bout bago sumabak sa mas mabigat na Olympic-style boxing competition sa Asian Games.


Walang direktang flight mula San Diego patungong Nagoya, kaya kailangang sumakay ni Marcial ng connecting flights na aabot sa 15 oras. Malaki umano ang mababawas nito sa kanyang oras para makapagpahinga at makapaghanda.


“Napakahirap para sa kanya na agad lumipat mula sa isang professional fight sa US patungo sa mahabang biyahe papuntang Nagoya na may 16 na oras na time difference, at pagkatapos ay sumabak agad sa isa pang high-level boxing competition na napakaikli ng recovery period. Ang boxing ay isang pisikal at likas na mapanganib na sport, kaya napakahalaga ng sapat na oras para makapagpahinga at makarekober. Ayaw naming isakripisyo ang kalusugan at kaligtasan ni Eumir dahil sa masikip na timeline (It would be very hard for him to immediately transition from a professional fight in the US into long-distance travel to Nagoya with a 16-hour time difference, and then into another high-level boxing competition with such a short recovery period. Boxing is a physically demanding and inherently risky sport, and adequate time to rest and recover is extremely important, and we do not want to compromise Eumir’s health and safety because of the tight timeline),” sabi ni ABAP President Marcus Manalo.



Sa hiwalay na panayam kay Jhay Otamias, isang sports photographer na nakabase sa Estados Unidos, sinabi ng 30-anyos na si Marcial na handa pa rin siyang sumabak sa flight.


“Handa pa ako. Tatlong rounds lang iyon, kaya parang lumaban lang ako sa amateur. Sa tingin ko, handa pa naman ang katawan ko (I'm still ready. It was just three rounds, so it's just like I fought in the amateurs. I think my body is still ready)," sabi ni Marcial.


Kinumpirma rin naman ni Manalo ang kahandaan ni Marcial at sinabing sobrang inaabangan niya ang pagkakataong muli na namang katawanin ang Pilipinas.


“Kaya mahirap ang desisyong ito para sa lahat ng kasama. Gayunman, ang pagkatawan sa Pilipinas ay hindi lamang tungkol sa pag-akyat sa ring. Kasama rin dito ang paggawa ng responsableng desisyon upang maprotektahan ang ating mga atleta at mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng mahaba at malusog na karera (This is therefore a difficult decision for everyone involved. However, representing the Philippines is not only about stepping into the ring. It is also about making responsible decisions that protect our athletes and allow them to have long, healthy careers),” sabi ni Manalo.


Dahil hindi rin cleared para lumaban si Southeast Asian Games bronze medalist Weljon Mindoro, na dapat sanang alternate, matapos siyang ma-knockout ni Mexican boxer Carlos Ocampo sa California noong Agosto 30, wala nang boxer ang Pilipinas sa men’s 80-kilogram division.


Haharap naman sa sanctions mula sa Olympic Council of Asia ang Philippine Olympic Committee dahil sa huling-minutong pag-atras bago ang draw nitong Linggo.


Samantala, tiniyak ni Manalo na lalaban si Marcial sa Asian Indoor and Martial Arts Games sa Riyadh, Saudi Arabia, na gaganapin mula Disyembre 11 hanggang 21.


bottom of page