top of page

EJ Obiena, nakasungkit ng ika-9 na gintong medalya

Sari Story

September 2, 2026 at 9:01:22 AM

Larawan ni EJ Obiena

Paglahok ni Ernest John Obiena sa men's pole vault final sa Diamond League sa Zurich, Switzerland noong Agosto 27, 2026

Kuha ni Denis Balibouse/Reuters


MAYNILA – Muling nagkamit ng malaking karangalan ang Filipino pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena matapos niyang masungkit ang gintong medalya sa ISTAF Berlin nitong Lunes.


Matagumpay na na-clear ni Obiena ang 5.82 metro sa patimpalak para makuha ang unang puwesto, habang pumangalawa naman ang Belgian na si Ylio Philtjens at Frenchman na si Robin Emig na kapwa nakapagtala ng 5.72 metro.


Ito na ang ika-9 na gintong medalya ni Obiena ngayong season. Sa ngayon, nasa ika-12 puwesto ang manlalaro sa mundo.

Pasok na rin ang two-time Olympian sa 2027 World Championships, sa kabila ng kanyang ikalimang puwesto sa Diamond League leg sa Zurich, Switzerland noong Agosto 28, kung saan nagtala siya ng 5.90 metro.


Naitala naman ni Obiena ang kanyang season-best na 5.91 metro nang magwagi siya ng gintong medalya sa Golden Sand outdoor pole vault event sa Międzyzdroje, Poland noong Agosto 17.


Samantala, target ni Obiena na makapag-uwi muli ng gintong medalya sa Martes sa 4th Domspringen Wesel event, kung saan nagwagi si Emig noong nakaraang taon matapos makapagtala ng 5.76 metro.


bottom of page