ATHLETICS: Russell, target ang mas maraming panalo matapos ang world record sa 100m hurdles
Sari Story
September 4, 2026 at 8:38:40 AM
Sinabi ng Olympic champion na si Masai Russell na naabot niya ang isang “bagong level” matapos magtakda ng bagong world record sa women’s 100-meter hurdles noong nakaraang linggo.
Dagdag ng American athlete na maaari pa siyang umangat habang target niyang manalo sa mga kompetisyon sa Brussels at Budapest.
Nagulat ang mundo ng athletics nang itala ni Russell ang oras na 12.09 seconds sa Diamond League meeting sa Zurich isang linggo na ang nakalipas.
Nilampasan niya ng tatlong sentimo ng segundo ang dating world record na 12.12 segundo na itinakda ng Nigerian athlete na si Tobi Amusan.
Babalik sa kompetisyon si Russell sa Diamond League Final ngayong weekend sa Brussels bago magtungo sa Budapest para sa kauna-unahang World Athletics Ultimate Championships sa susunod na linggo.
“Pakiramdam ko ay mas maganda pa ang kondisyon ko ngayon kaysa noong nakaraang linggo. Kaya medyo nakakabaliw iyong sabihin,” pahayag ni Russell sa mga reporter sa isang video call noong Huwebes.
(I still feel like I'm in even better shape than where I was last week. So that's kind of crazy to say.)
“Sa tingin ko, naabot ko ang isang bagong antas. Kaya magiging kawili-wiling makita kung ano ang mangyayari. Magiging kawili-wiling ipagpatuloy lamang ang aking dominasyon.”
(I think I just unlocked a new level. So it'll be interesting to see. It'll be interesting to just continue to dominate.)
Hindi itinuturing ni Russell na pinakamataas na niyang maaabot ang kanyang bagong world record. Naniniwala siyang kaya pa niyang pagandahin ang kanyang mga susunod na takbo.
Dahil sa kanyang 12.09 seconds na record, muling lumitaw ang posibilidad na malampasan ang 12-seconds mark na dati ay tila imposibleng maabot.
“Sa tingin ko, siyempre, ang pamantayang itinakda ko sa pagtakbo ng 12.0 segundo ay isa na namang bagong pamantayang maaari kong abutin. Lahat ay tila imposible hanggang sa magawa ito," aniya.
(I think of course the standard that I've set running 12.0 is always a new standard to set. Everything seems impossible until it's done.)
“Hindi ako naglalagay ng limitasyon sa sarili ko. Sa tingin ko, marami pa akong puwang para maging mas malakas.”
(I'm not putting a limit on anything. I think that there's still so much room for me to get stronger.)
“Kahit noong tumatakbo ako sa karerang nagtala ng 12.09 seconds, hindi ko naramdaman na lumalapit ang mga harang sa paraang hindi ko na makontrol. Sa tingin ko, may kaya pa akong ilabas.”
(Even when I was running the 12.09 race, I didn't feel like the hurdles were coming up in a way where I couldn't control it. I do think that there's a little more in there.)
KUMPIYANSA ANG COACH
Kumpiyansa rin ang coach ni Russell na si Lonnie Greene, na ilang taon na umanong nagsasabing makapagtatakda ng world record ang kanyang atleta.
“Literal na ilang taon na niyang sinasabi, ‘world record, world record, world record,” sinabi ni Greene..
(He has been saying 'world record, world record, world record' for literally the last couple years.)
"Palagi niyang sinasabi na lumabas ka roon, maging ikaw, tumakbo para manalo, at ang oras ay kusang susunod."
(He always says to go out there, be you, race to win, and time will take care of itself.)
Naging espesyal din para kay Greene ang pagtatala ni Russell ng world record. Ginabayan niya ang atleta mula nang 18 taong gulang pa lamang ito at hindi pa gaanong nahuhubog ang kanyang teknik.
“Sobrang saya niya,” sabi ni Russell tungkol sa naging reaksiyon ng kanyang coach.
(He was over the moon.)
Sa kabila ng kaniyang bagong world record, sinabi ni Russell na nananatiling pinakamahalagang tagumpay sa kanyang karera ang pagkapanalo niya ng gintong medalya sa Paris Olympics.
“Nangunguna sa lahat ang gintong medalya sa Olympics dahil walang sinuman ang maaaring kumuha sa akin ng gintong medalya,” aniya.
(The Olympic gold trumps everything, just because no one can ever take my gold medal from me.)
"Pagdating sa rekord... ang mga rekord ay ginawa para mabasag."
(With a record ... records are meant to be broken.)
May mga mungkahing itaas ang taas ng hurdles sa women’s sprint event mula 88.3 sentimetro hanggang 91 sentimetro upang higit na bigyang-diin hindi lamang ang bilis kundi pati ang tamang teknik sa paglampas sa mga harang.
Hindi pabor si Russell sa naturang pagbabago.
"Tutol ako sa pagtataas ng mga harang dahil iniisip ng mga tao na dahil lamang bumibilis ang mga oras sa paglipas ng panahon, kailangan ding itaas ang mga harang,”aniya.
(I'm opposed to raising the hurdles because people think that just because the times have gotten faster over time, that means the hurdles need to raise up.)
"Mas marami lamang tayong mga mapagkukunan at mas makabagong teknolohiya. Mas marami tayong natututunan. Mas marami na tayong nalalaman kumpara 30 taon na ang nakalipas.”
(We've just gotten more resources, more technology. We're learning more. We know more than we did 30 years ago.)

