ATHLETICS: Mga atletang Ruso, nanawagan na alisin ang ban sa kanila ng World Athletics
Sari Story
September 15, 2026 at 2:33:54 AM
Ipinagbabawal ang paglahok ng mga atletang Ruso sa mga kompetisyon ng World Athletics, kabilang ang 2026 World Athletics Ultimate Championships sa National Athletics Centre sa Budapest, Hungary. Makikita sa larawan sina Klaudia Kazimierska ng Poland at Agathe Guillemot ng France habang lumalaban sa women's 1,500-meter final.
REUTERS / Marton Monus
BUDAPEST – Nanawagan ang mga atletang Ruso sa mga pandaigdigang organisasyong pampalakasan at pangkarapatang pantao na tulungan silang wakasan ang pagbabawal ng World Athletics sa mga atletang Ruso, dahil anila, mahigit apat na taong pagkakabukod sa mga internasyonal na kompetisyon ang nagkait sa isang henerasyon ng mga atleta ng pagkakataong maipagpatuloy ang kanilang mga karera.
Sa isang open letter na may petsang Setyembre 10 at nakita ng Reuters, nanawagan ang mga atleta sa Athletes' Commission ng International Olympic Committee (IOC), IOC Advisory Committee on Human Rights at U.N. High Commissioner for Human Rights.Ayon sa mga atleta, patuloy na nagdudulot ng matinding epekto sa kanila ang pagbabawal.
“Para sa amin, hindi ito isang abstract na usaping legal o pampulitika. Ang athletics ang aming buhay. Mahabang panahon ang apat na taon sa buhay ng sinuman. Sa buhay ng isang atleta, maaaring ito na ang pinakamahahalagang taon (For us, this is not an abstract legal or political issue. Athletics is our life. Four years is a long time in any life. In an athlete's life, it can be the most significant years),” ayon sa liham.
Muling pinagtibay ng World Athletics Council noong Hulyo 3 ang desisyon nitong pagbawalan ang mga atletang Ruso at Belarusian na lumahok sa mga internasyonal na kompetisyon. Unang ipinataw ang mga sanction matapos ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine noong 2022.
Naghain ang Russian Athletics ng apela sa Court of Arbitration for Sport noong Hulyo 9 laban sa desisyon at nagsumite rin ng panibagong apela noong nakaraang buwan.
Habang hinihintay ang komento ng World Athletics, muling sinabi ng federation president na si Sebastian Coe nitong Linggo na hindi nagbago ang posisyon ng organisasyon bago ang pagdinig sa arbitration proceedings.
“Hindi ito tungkol sa pulitika o mga pasaporte. Tungkol ito sa integridad ng kompetisyon (This isn't about politics or passports. It's about the integrity of competition),” sinabi ni Coe sa mga mamamahayag sa Ultimate Championship sa Budapest.
Sinabi ni Coe na nauunawaan niya ang kahalagahan ng tuluyang pagbabalik ng buong mundo sa kompetisyon sa athletics.
“Gusto natin na kumpleto ang mga kalahok mula sa buong mundo sa ating sport, at dapat iyon ang ating pangkalahatang layunin (We want a full complement of people on a global level competing in our sport, and that has to be our overall objective),” aniya.
Iginiit naman ng mga atletang Ruso na katumbas ng collective punishment ang posisyon ng federation at hindi ito naaayon sa hakbang ng iba pang pandaigdigang sports federation na unti-unting muling pinayagang lumahok ang mga atletang Ruso at Belarusian sa ilalim ng neutral status.
Pansamantalang inalis ng IOC noong Hulyo 8 ang suspensyon sa Russian Olympic Committee, na itinuturing na mahalagang hakbang tungo sa muling pagsasama ng Russia sa Olympic movement bago ang 2028 Los Angeles Games.
“Nanatiling isa ang athletics sa iilang eksepsyon kung saan patuloy na ganap na ipinagbabawal ang mga atletang Ruso (Athletics remains one of the very limited exceptions where Russian athletes continue to face a full blanket exclusion),” ayon sa liham.
Sinabi rin ng mga atleta na hiwalay silang humiling sa Court of Arbitration for Sport noong Hulyo 17 ng pahintulot na makilahok sa proceedings kaugnay ng kanilang apela, ngunit wala pa silang natatanggap na tugon.
Ayon sa kanila, personal na nakaaapekto sa kanila ang matagal na kawalan ng katiyakan.
“Maaaring tumagal nang maraming taon ang isang legal o institusyonal na proseso. Hindi ganoon katagal ang karera ng isang atleta (A legal or institutional process can continue for years. An athlete's career cannot),” ayon sa liham.

