ATHLETICS: Hodgkinson, nagwagi sa 800m ng Athlos suot ang superhero costume
Sari Story
September 20, 2026 at 9:49:22 AM
Tinapos ni Olympic champion Keely Hodgkinson ng Britain ang isang mahirap na season sa magandang paraan matapos niyang manalo sa 800-meter race ng Athlos London 2026 nitong Biyernes.
Kahit may problema sa hamstring, nanaig si Hodgkinson suot ang itim na hooded speedsuit na nagmistulang superhero costume. Humiwalay si Hodgkinson sa mga kalaban sa huling 200 metro at nagtala ng oras na isang minuto at 56.40 segundo. Nanalo siya nang mahigit dalawang segundo sa ginanap na karera sa StoneX Stadium. Ito ang unang Athlos event na ginanap sa labas ng United States matapos ang dalawang event sa New York.
“Sana nagkaroon din ako ng ganitong event noong mas bata pa ako. Masaya ito... dapat ay masaya ang buhay (I would have loved to have had an event like this when I was younger. This is fun... life is supposed to be about enjoying it),” ani Hodgkinson.
Noong nakaraang linggo, pumangalawa si Hodgkinson kay Switzerland's Audrey Werro sa World Athletics Ultimate Championships sa Budapest. Isiniwalat din niya na nagtamo siya ng hamstring tear sa European Championships sa Birmingham ilang linggo bago nito.
Ayon kay Hodgkinson, nakita sa MRI noong nakaraang season na may bihira siyang kondisyon kung saan nahahati ang hamstring tendon. Dahil dito, maaari pa rin siyang makipagkumpitensya kahit may injury, ngunit maaari rin nitong mapataas ang panganib na maulit ang problema.
Gayunman, walang nakitang senyales ng injury kay Hodgkinson nitong Biyernes. Nakibagay siya sa mas masayang tema ng event suot ang costume na kahawig ng sinuot ni Cathy Freeman noong 2000 Olympics, pati dark glasses.
“Alam ko, astig talaga. Matagal ko nang ginagawa ang project na ito kasama ang Nike. Naisip ko, saan pa ba magandang ilabas ito kundi sa isang all-women’s event. Talagang nagustuhan ito ng mga tao (I know, it's pretty sick. It's a project I've been working on with Nike for a long time. I thought what a place to bring it out, an all-women's event. It went down a treat),” ani Hodgkinson.
Itinatag ni Reddit co-founder Alexis Ohanian ang Athlos upang bigyan ng mas malaking atensyon ang women's athletics. Kabilang sa konsepto nito ang malaking prize money, oportunidad para sa athlete ownership at mas entertainment-focused na format.
Makikita ito sa event sa London kung saan may kanya-kanyang walkout ang mga atleta, ginanap ang long jump sa nakataas na stage sa tabi ng track at nakatanggap ng custom Tiffany & Co. crowns ang mga nagwagi.
Nanalo ang Amerikanong si Sha'Carri Richardson sa 100m sa oras na 10.80 segundo. Ayon sa kanya, ipinapakita ng pagdating ng Athlos sa London na patuloy itong nakikilala sa iba't ibang panig ng mundo.
“Patuloy itong lalago at pinapanood ito ng buong mundo (It is going to continue to grow and the world is watching),” ani Richardson.
Pito lamang ang events sa Athlos London, na walang qualifying rounds at tig-anim na atleta lamang ang lumaban sa bawat final.
Tumanggap ang mga kampeon ng $65,000 na premyo, habang hanggang ika-6 na puwesto ay may $6,000. May dagdag na $250,000 bonus naman para sa sinumang makapagtala ng world record.
“Kakatapos ko lang sa kolehiyo at wala akong pera, kaya napakaganda nito (I just graduated college and I'm broke, so this is amazing),” ani American Alyssa Jones matapos manalo sa long jump sa lundag na 6.66 metro.
Wala namang world record na seryosong malapit mabasag dahil sa malamig na 17 degrees Celsius na temperatura at pagod ng mga atleta sa pagtatapos ng season.
Anim na araw matapos manalo sa women's 1,500m sa Hungary, nalampasan ni Klaudia Kazimierska ng Poland si Britain's Georgia Hunter Bell sa huling bahagi ng women's mile. Nagtala si Kazimierska ng 4:19.43, o 0.11 segundo na mas mabilis kay Hunter Bell.
"Georgia looked like she was in control but Klaudia said 'not today,' (Mukhang kontrolado na ni Georgia ang laban, pero sinabi ni Klaudia, ‘hindi ngayon,") ani Ohanian, na nanonood kasama ang kanyang asawa at tennis great na si Serena Williams. "Wow. Iyan ang sport, kaya natin ito mahal (Wow. It's sport, that's why we love it.)"
Samantala, nanalo ang Olympic champion na si Gabby Thomas sa 200m sa oras na 22.13 segundo, habang si US teammate Alaysha Johnson ang nagkampeon sa 100m hurdles sa 12.50 segundo. Nakuha naman ni Marileido Paulino ng Dominican Republic ang titulo sa 400m sa oras na 48.73 segundo.

