top of page

ASIAN GAMES: Thai badminton player Opatniputh, suspendido matapos magpositibo sa doping test

Sari Story

September 22, 2026 at 8:32:05 AM

Larawan ni Pitchamon Opatniputh

File Photo: Kuha sa pakikipaglaban ni Pitchamon Opatniputh ng Thailand kay Nguyen Thuy Linh ng Vietnam sa Perodua Malaysia Masters 2026. Binawalan na si Opatniputh na lumahok sa mga kompetisyon, pagsasanay, coaching, o anumang aktibidad habang ginaganap ang Asian Games Aichi-Nagoya 2026.

Sopa Images

Pinatawan ng provisional doping suspension o pansamantalang pagkakasuspinde sa Aichi-Nagoya Asian Games ang Thai badminton player na si Pitchamon Opatniputh matapos magpositibo sa banned substance, ayon sa International Testing Agency (ITA) nitong Lunes.


Si Opatniputh, na kasalukuyang ika-18 sa world rankings, ay nakatakdang maglaro para sa Thailand sa team event laban sa China nitong Martes. Gayunman, nagpositibo ang 19-anyos na atleta sa furosemide, isang substance na maaaring gamitin upang mabilis na magbawas ng timbang sa pamamagitan ng pagkawala ng tubig sa katawan.


Kinuha ng ITA ang kanyang sample noong Setyembre 17 bilang bahagi ng isang out-of-competition test.


“Ipinaalam na sa atleta ang kaso at pansamantala siyang sinuspinde na epektibo kaagad hanggang sa malutas ang usapin, alinsunod sa World Anti-Doping Code at OCA Anti-Doping Rules (The athlete has been informed of the case and has been provisionally suspended with immediate effect until the resolution of the matter in line with the World Anti-Doping Code and the OCA Anti-Doping Rules),” saad ng ITA.


“Nangangahulugan ito na hindi maaaring makipaglaban, magsanay, mag-coach, o lumahok ang atleta sa anumang aktibidad habang ginaganap ang Asian Games Aichi-Nagoya 2026 (This means that the athlete is prevented from competing, training, coaching, or participating in any activity, during the Asian Games Aichi-Nagoya 2026),” dagdag ng ITA.


May karapatan si Opatniputh na humiling ng pagsusuri sa B-sample, ang backup sample na kinuha kasabay ng unang sample.

Maaari rin niyang kuwestiyunin ang provisional suspension sa Court of Arbitration for Sport (CAS).


Ang 2026 Asian Games ay tatagal hanggang Oktubre 4 sa Aichi Prefecture at Nagoya, Japan.


bottom of page