top of page

ASIAN GAMES: Teqball, umaasang mapabilang sa Olympics matapos ang unang medalya sa Asiad

Sari Story

September 21, 2026 at 5:54:40 AM

Larawan nina Ahmad Kassem Arabi at Mohamad Hafez

Asian Games - Aichi-Nagoya 2026 - Teqball - Higashi Sports Center, Nagoya, Japan - September 20, 2026. Kuha nina Ahmad Kassem Arabi at Mohamad Hafez ng Lebanon sa men's doubles final kontra sa mga Thai na sina Sorrasak Thaosiri at Jirati Chanliang.

REUTERS / Issei Kato

NAGOYA, Japan — Sa tulong ng dating Spanish soccer star na si Carles Puyol at lumalaking mga tagahanga sa Asya, umaasa ang pandaigdigang pederasyon ng teqball na magiging bahagi rin ang kakaibang kombinasyon ng soccer at table tennis sa programa ng Olympics.


Maliit man, mahalagang hakbang ang ginawa ng teqball noong Linggo matapos igawad ang unang mga medalya nito sa Asian Games sa unang pagsabak ng sport sa multi-sport event sa Nagoya, kung saan tatlo sa limang titulo ay napunta sa mga atletang Thai.


Ilang daang manonood lamang ang kayang tanggapin ng Higashi Sports Centre, malayo sa laki ng Wembley Stadium, ngunit humanga ang mga manonood sa husay ng mga atleta sa pagpapalitan ng bola sa ibabaw ng espesyal na kurbadong mesa ng teqball.


“Isa itong napakahalagang hakbang sa aming paglalakbay dahil pangarap ng buong teqball community sa mundo na maging Olympic sport balang araw (It's an amazing milestone on our journey because the teq world community globally is dreaming of becoming an Olympic sport one day),” ani International Teqball Federation (ITF) Secretary General Laszlo Vajda sa Reuters.


“Talagang kumpiyansa ako na ang aming debut bilang isang medal sport sa Asian Games ay magiging isang malaking kaganapan na kikilalanin ng IOC (International Olympic Committee) na narito na ang lahat ng kinakailangan—ang sport, ang venue, ang pakikilahok, ang naaabot na audience, ang kaugnayan nito sa mga kabataan, ang atraksyon, at iba pa (I'm very confident actually that our debut as a medal sport at the Asian Games will be such an event that the IOC (International Olympic Committee) will recognise that yes, the sport, the venue, the engagement, the reach, the relevance to young people, the attraction and all that is in place).”


PINAGMULAN SA HUNGARY


Nag-ugat ang teqball sa isang training exercise noong kasagsagan ng tagumpay ng Hungarian soccer noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, kung saan nagsasanay ang mga manlalaro ng “foot-tennis” gamit ang leather ball sa ibabaw ng net.


Makalipas ang ilang dekada, nabuo ang modernong teqball mahigit 10 taon na ang nakalipas nang paglaruan ito ng dalawang Hungarian, isang dating professional soccer player at isang computer scientist, gamit ang soccer ball at ping-pong table.


Matapos baguhin ang kurba ng mesa, nakipagtulungan sila sa isang Hungarian businessman upang palaganapin ang sport.


Itinatag ang ITF noong 2017 at mula noon ay nagsagawa na ito ng ilang world championships.

Para sa mga hindi pamilyar sa sport, maaaring kakaiba ang teqball, ngunit kabilang ito sa mga bagong discipline sa Asian Games gaya ng virtual taekwondo at esports.


Tulad ng teqball, umaasa rin ang mga sport na ito na makapasok sa Olympics para magkaroon ng mas malawak na pagkilala, pondo at pandaigdigang fan base.


Patuloy namang pinalalakas ng teqball ang presensya nito sa social media sa tulong ng mga dating soccer star gaya ni Puyol, na dating captain ng Barcelona at naglaro ng 100 beses para sa Spain.


Bago ang kompetisyon noong Linggo, nakipaglaro si Puyol sa ilang Asian influencer matapos magsagawa ng clinic para sa mga estudyante sa isang kalapit na unibersidad.


Walang ticket-paying fans na nanood sa naturang aktibidad dahil pangunahing layunin nito ang pagpapalawak ng social media reach ng sport.


Ginagamit na rin ng ilang malalaking soccer club, kabilang ang Manchester United, Paris Saint-Germain at Barcelona, ang mga teqball table sa kanilang training grounds.


“Sa tingin ko, nakatutulong ito sa mga professional player na pagbutihin ang kanilang technical skills at ginagamit din sa warm-up (I think it helps professional players improve technically, and also for warming up),” ani Puyol.


“Malaki ang paglago nito sa maraming bansa. Sa tingin ko, habang mas maraming naglalaro, lalo itong lalago dahil masayang laro ito at nakikita kong malaki ang potensyal nito sa hinaharap (As a sport, it’s growing a lot in many countries. I think the more people play it, the more it will grow, because it’s a really fun game and I see it having a big future).”


Malaking tulong para sa Olympic aspirations ng teqball ang pagtanggap dito ng mga bansa sa Asya.


May pagkakatulad ang teqball sa sepak takraw, isang tanyag na sport sa Southeast Asia kung saan sinisipa at ipinapasa ng mga manlalaro ang bola sa ibabaw ng net sa court na kahawig ng badminton court.


Bilang isa sa mga nangungunang bansa sa sepak takraw, sinamantala ng Thailand ang pagkakataon na makakuha pa ng mga gintong medalya sa Asian Games sa pamamagitan ng teqball.


Gayunman, hindi lamang mga bansa sa Southeast Asia ang nag-uwi ng medalya, dahil nagmula ang mga nagwagi sa iba't ibang bahagi ng Asya, mula Kuwait hanggang Japan.


“Sobrang saya ko, parang puwede na akong mamatay ngayon (I am so happy I could die right now),” ani South Korean Lee Jun-suk matapos talunin ang Iraqi opponent sa men's singles gold.


“Gusto kong maging medallist pero hindi ko inakalang mangyayari ito (I wanted to be a medallist but I didn’t imagine this situation).”


bottom of page