ASIAN GAMES: Archer Cojuangco, gumawa ng kasaysayan matapos masungkit ang silver medal
Sandra Samala-Salem
October 1, 2026 at 12:17:51 PM
MANILA – Tinalo ng Indonesian na si Nurisa Dian Ashrifah ang Filipinang si Amaya Amparo Cojuangco, 139-137, sa finals ng women’s individual compound event ng archery competition sa 20th Asian Games sa Okazaki Chuo Sogo Park Multipurpose Square sa Aichi Prefecture, Japan nitong Huwebes.
Matagal nang miyembro ng national team si Cojuangco. Tinalo niya ang pambato ng Iran na si Bita Asheghzadeh Oskouei, 146-135, sa quarterfinals bago niya dinaig ang South Korean na si Park Jungyoon, 142-141, sa semifinals.
Sa pagkapanalo niya ng silver medal, nalagpasan ni Cojuangco ang dating pinakamataas na nakuhang medalya ng Pilipinas sa compound event sa Asian Games, ang bronze medal ni Paul Marton Dela Cruz noong 2014.
Samantala, hindi nakapasok sa finals ng women’s beach volleyball sina Khy Progella at Sofiah Pagara ng Alas Pilipinas matapos talunin ng mga pambato ng Thailand na sina Taravadee Naraphonapat at Worapeerachayakorn Kongphopsarutawadee, 21-23, 18-21, sa semifinals sa Hekinan Ryokuchi Beach Court.
“Nandun na kami sa moment na kaya namin makuha yung panalo kaso nakulangan lang kami sa tiwala sa pinakadulo na kaya talaga namin (We were at the point where we could have secured the win, but we just lacked the confidence right at the end that we could actually pull it off),” ani Progella.
Nangunguna ang mga Filipina, 14-12, sa ikalawang set, ngunit nakapuntos ng sunod-sunod na anim na beses ang mga Thai para maagaw ang lamang, 18-14, hanggang tuluyang makuha ang panalo.
Sina Naraphonapat at Kongphopsarutawadee rin ang tumapos sa kampanya nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons matapos silang talunin sa quarterfinals, 17-21, 21-12, 13-15, nitong Miyerkules.
Haharapin nina Progella at Pagara ang pambato ng China na sina Cao Shuting at Dong Jie sa laban para sa bronze medal.
“Mindset namin for the bronze is pinaka-last push na namin since last game na for Asian Games. So why not all-out na at mas sosobrahan pa ang tiwala sa sarili na kaya naming (Our mindset for the bronze is that this is our final push, as it is the last game of the Asian Games. So why not go all-out and have even more confidence that we can do it)?” pahayag ni Progella.

