Alex Eala tinalo ang Amerikanang kalaban, pasok sa second round ng US Open
Sari Story
September 3, 2026 at 2:28:31 PM
MANILA – Umabante sa second round ng US Open si Alexandra Eala matapos talunin ang American qualifier na si Mary Stoiana, 6-1, 6-2, sa Louis Armstrong Stadium sa Flushing Meadows, New York nitong Miyerkules ng umaga (oras sa Maynila).
Nakuha ng No. 17 seed Filipino ang huling limang laro sa second set upang tuluyang selyuhan ang kanyang panalo.
Susubukan ni Eala na umabante pa sa tournament sa Huwebes, kung saan makakaharap niya ang Ukrainian na si Oleksandra Oliynykova, na tinalo naman ang American na si Reese Brantmeier, 6-4, 6-4.
Unang nagkaharap sina Oliynykova at Eala sa Strasbourg noong Mayo 18. Nanaig ang Ukrainian, 3-6, 7-5, 6-3, sa Round of 32.
Nag-debut si Eala sa US Open noong 2025, kung saan tinalo niya sa first round ang Danish na si Carla Tauson, 6-3, 2-6, 7-6, bago siya natalo sa Spanish player na si Cristina Bucsa, 4-6, 3-6.
Noong Agosto, nasungkit ni Eala ang WTA 500 Mubadala DC Open. Ito ang kanyang ikalawang singles title matapos din niyang mapanalunan ang Guadalajara 125 Open sa Zapopan, Mexico.
Ang reigning Southeast Asian Games champion na si Eala ay lalahok din sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, na nakatakda mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.

