top of page

Zeinab Harake at mga anak, opisyal nang magkapareho ng apelyido

Kimberly Asis / Sari Story News

November 9, 2026 at 10:05:47 AM

Larawan ni Zeinab Harake, Ray Parks at mga bata.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Zeinab Harake.

YOUTUBE / Zeinab Harake

Sa wakas ay natupad na ng content creator at aktres na si Zeinab Harake-Parks ang matagal na niyang pangarap na magkaroon sila ng iisang apelyido ng kaniyang mga anak na sina Lucas at Zebbiana matapos opisyal na maipalit sa apelyidong Parks ang apelyido ng dalawa.


Ibinahagi nina Zeinab at ng kaniyang asawang Filipino-American basketball player na si Bobby Ray Parks Jr. ang mahalagang milestone na ito sa kanilang YouTube channel noong Miyerkules, Nobyembre 4.


Sa halos isang oras na vlog, makikita ang emosyonal na reaksiyon ng pamilya habang ipinagdiriwang ang pagtatapos ng prosesong inabot ng limang taon, kabilang ang paghahanda at pag-aasikaso ng mga kinakailangang dokumento.


May dalawang anak si Zeinab, 27: si Lucas, na kaniyang inampon, at si Zebbiana, na isinilang noong 2021 sa dati niyang karelasyong rapper-songwriter na si Skusta Clee.


Matagal nang pangarap ni Zeinab na magkaroon ng iisang apelyido ang buong pamilya. Ayon sa Filipino-Lebanese YouTuber, naging posible ito matapos silang ikasal ni Ray noong Hunyo 2025.


“Thank you to Daddy Ray kasi noong tinanong niya ako para pakasalan ako, hindi lang ako yung pinakasalan niya pati yung mga bata. Thank you for being a great father and talagang may paninindigan,” ani Zeinab sa vlog.


Ibinahagi rin ni Ray, 33, kung gaano kahalaga sa kaniya ang maging bahagi ng kanilang pamilya.


“Isang karangalan. It takes a wonderful woman to allow me to lead and to be the head of the family,” aniya.


Noon pa man ay nais na ni Zeinab na legal na ampunin si Lucas noong isa pa siyang single mother. Gayunman, hindi niya ito agad naisakatuparan dahil hindi pa niya naaabot noon ang itinakdang edad na 25 para maisagawa ang proseso.


“Since 2022 to now, after ng kasal namin, June 2025, mula noon inasikaso na namin. Actually before the wedding pa nga.


"Nag-visit na kami sa social workers, psych tests and medical tests. Mabusisi talaga and maraming requirements but it's all worth it,” pagbabahagi niya.


Nagpasalamat din sina Zeinab at Ray sa mga social worker na gumabay at tumulong sa kanila sa buong proseso.


Umaasa ang mag-asawa na sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang karanasan ay mas marami ang mahihikayat na isaalang-alang ang pag-aampon. Nais din nilang mabigyang-pansin ang kalagayan ng maraming batang nangangailangan ng permanenteng tahanan at mapagmahal na pamilya.


Binigyang-diin ni Ray ang malaking agwat sa bilang ng mga batang inabandona, iniwan, o naninirahan sa mga orphanage kumpara sa bilang ng mga batang opisyal na naaampon kada taon.


“1.8 to 2 million na kids na abandoned, left behind, or nasa orphanage. Mahigit 2 million yun. Ngayon, it's literally 2,000 or less lang ang officially adopted per year. So, that means less than 0.1 percent,” paliwanag ni Ray.


Umaasa rin si Zeinab na magsisilbing daan ang kanilang kuwento upang mas mabigyang-suporta ng pamahalaan ang proseso ng pag-aampon, partikular na sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga social worker sa iba't ibang munisipalidad.


“So, itong vlog na to, hindi lang din ito para sa family namin. But sana makatok natin yung government natin na dagdagan yung mga social workers sa iba't ibang municipality,” aniya.


Ibinahagi rin ng mag-asawa ang mga emosyonal na pagsubok na pinagdaanan nila habang inaasikaso ang pag-aampon. Umaasa silang makatutulong ang kanilang karanasan upang maging mas madali ang proseso para sa iba pang mga pamilyang nagnanais mag-ampon.


"Thank you again sa asawa ko na hindi lang ako ang pinanindigan pati yung mga anak ko," dagdag ni Zeinab.


Bilang pagdiriwang sa matagumpay na proseso ng pag-aampon, pinatunog ng pamilya ang simbolikong Bell of Joy bilang tanda ng opisyal na pagpapalit ng apelyido ng mga bata.


Ipinakita rin sa vlog ang pananabik ni Zebbiana sa matagal na nilang hinihintay na pagbabago.


"Finally, we're Parks!" masaya niyang sambit.


"Is this your dream?" tanong ni Zeinab sa kaniyang anak.


"This is my wish, my dream.. to be Parks forever," sagot naman ni Zebbiana.


"Thank You, Lord," dagdag pa ni Lucas.


Hindi rin napigilan ni Zeinab na maging emosyonal nang matanggap niya ang mga bagong birth certificate ng kaniyang mga anak na nakatala na ang apelyidong Parks.


Bukod dito, natanggap na rin ng pamilya ang kanilang mga bagong passport na magagamit nila upang makabiyahe na sila ng magkakasama patungong Japan upang suportahan si Ray sa kaniyang mga nalalapit na laro.

bottom of page