top of page

Zara Lopez, tuluyan nang umalis sa Viva Hot Babes, iginiit na hindi na babalik

Kimberly Asis / Sari Story News

November 2, 2026 at 11:01:25 AM

Larawan ni Zara Lopez.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni Zara Lopez.

FACEBOOK / Zara Lopez

Opisyal nang tinuldukan ng social media personality na si Zara Lopez ang kaniyang pagiging bahagi ng Viva Hot Babes. Kinumpirma niyang hindi na niya ituturing ang sarili bilang miyembro ng sexy girl group at hindi na rin siya lalahok sa mga susunod nitong aktibidad.


Sa isang mahabang pahayag sa Facebook, ipinaliwanag ng content creator ang kaniyang pag-alis sa grupo kasunod ng hindi niya pagsali sa reunion concert nito, na naging dahilan ng mga tanong tungkol sa kaniyang status bilang miyembro.


"I AM NO LONGER A VIVA HOT BABE. AND I'M NEVER COMING BACK," mariing pahayag ni Zara.


Binigyang-diin din ng 42-anyos na personalidad na sarili niyang desisyon ang tuluyang pag-alis sa grupo.


"Relax. Hindi niyo na kailangang sabihin na hindi ako welcome. Ako na mismo ang kusang aalis. And this time, it's PERMANENT," aniya.


"After more than 20 years, I am officially closing my chapter with Viva Hot Babes. Yes, I wasn't part of the original batch. I never claimed to be. But I proudly represented and supported the group for many years, including through my social media presence," paliwanag niya.


Ayon kay Zara, naging bunga ng ilang karanasang nakadismaya sa kaniya ang kaniyang desisyon. Kabilang dito ang hindi pagkakasama sa reunion concert at ang sama ng loob niya sa mga nangyari noong kaniyang kaarawan. Binanggit din niya ang mga talakayan online na kumukuwestiyon sa kaniyang lugar sa grupo.


"Masakit pala kapag ang mga taong itinuring mong pamilya ay unti-unting nagiging strangers sa buhay mo. I respect that other people have their own perspectives. But my feelings are real, and I don't need anyone's permission to express them," pagbabahagi niya.


"And to everyone questioning whether I deserve to be called a Viva Hot Babe, here's my answer: Keep the title. I (am) no longer interested in proving that I belong," dagdag pa niya.


Ang kaniyang anunsyo ay kasunod ng sunod-sunod niyang social media post tungkol sa mga personal na pag-atake na umano'y naranasan niya online, kabilang ang mga sinasabing komento ni Paolo Pilar, non-showbiz partner ng kapwa Viva Hot Babe at aktres na si Katya Santos.


Sa hiwalay na Facebook post, iginiit ni Zara na tinawag umano siya ni Paolo na 'loser' at 'low life.' Ipinahayag din niya ang kaniyang pagkadismaya sa naturang mga komento, lalo na't itinuturing niya si Katya bilang isa sa pinakamalalapit niyang kaibigan sa grupo.


Ayon kay Zara, malaki ang naging epekto sa kaniyang emosyon ng naturang sitwasyon. Ibinahagi niyang ilang buwan na siyang nakararanas ng lungkot at pagkabalisa, gayundin ng mga gabing hindi siya makatulog. Inamin din niyang pinag-iisipan niyang sumailalim sa professional therapy upang matulungan siyang makayanan ang kaniyang pinagdaraanan.


"I want to heal. I want to sleep peacefully again. I want to wake up without immediately remembering the hurtful things people said about me," sulat niya.


Sumikat ang Viva Hot Babes noong unang bahagi ng dekada 2000 sa pamamagitan ng mga patok nitong awiting gaya ng "Bulaklak," "Basketbol," at "Kikay."

bottom of page