Zaijian Jaranilla, bibida sa QCShorts Int’l entry na ‘Sana’y Nandito Ka’
Kimberly Asis / Sari Story News
November 3, 2026 at 10:30:38 AM
Matapos ang kanyang unang voice acting role sa 2010 Filipino animated film na “RPG Metanoia,” muling mababalik sa mundo ng animation si Zaijian Jaranilla sa 3D animated short film na "Sana'y Nandito Ka," na nakatakdang mag-premiere sa 14th QCinema International Film Festival sa Nobyembre 13 hanggang Nobyembre 22, 2026.
Isinulat at idinirehe ni Clister Santos, iikot ang pelikula sa kuwento ng isang mag-ina na muling magkikita matapos ang ilang taong pagkakawalay. Tampok sa pelikula ang kanilang pagharap sa mga pagbabagong naganap sa kanilang buhay at kung paano sila muling masasanay sa piling ng isa't isa.
Makakasama ni Zaijian sa voice cast sina Meryll Soriano, Harvey Bautista, at Jeul Agbayani.
Kabilang ang "Sana'y Nandito Ka" sa 19 na pelikulang mapapanood sa QCShorts International lineup. Kasama rin sa mga entry ang "Gandang Lola," "Body Works," "Run Shirley Run!" at "Maanaa Kanimo," bukod sa iba pa.
Samantala, ang animated feature na "Ella Arcangel: Ballad of Tooth and Claw" naman ang magsisilbing opening film ng festival. Bibigyang-buhay ni Bianca Umali ang karakter ni Ella sa pelikulang idinirehe ni Mervin Malonzo, na hango sa komiks na likha ni Julius Villanueva.
Gaganapin ang mga screening sa Gateway Cineplex 18, Robinsons Movieworld Galleria, Ayala Malls TriNoma, SM Cinemas, at iba pang kalahok na sinehan sa Quezon City.
Bukod sa nalalapit niyang animated project, mapapanood din ngayon si Zaijian, 25, sa dalawa pang pelikula: ang sociopolitical drama na "2 Valid IDs" at ang coming-of-age film na "Guryon."
Ngayong Disyembre, bibida rin ang aktor sa Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na "Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo," kung saan gagampanan niya ang papel ni Fr. Rhoel Gallardo.

