top of page

Zack Tabudlo, bumwelta matapos sabihang natabunan na nina Cup of Joe at Maki

Kimberly Asis / Sari Story News

November 5, 2026 at 10:38:42 AM

Larawan ni Zack Tabudlo.

Larawan kuha mula sa Facebook page ni Zack Tabudlo.

FACEBOOK / Zack Tabudlo

Bumwelta si Zack Tabudlo sa isang X user na nagsabing natabunan na siya ng kapwa OPM artists na sina Maki at Cup of Joe. Ito ay matapos niyang ianunsyo ang bago niyang awiting hango sa mga housemate ng "Pinoy Big Brother: Collab 3.0" na sina Jeo Ong at Gehlee Dangca.


Napansin ng mga netizen ang singer-songwriter matapos ibahagi sa X ang isang video clip tungkol sa kaniya na may caption na, “ZACK TABUDLO GUMAWA NG SONG FOR JEOLEE!! GRABE ANG JEOLEE FEVER!!” na tumutukoy sa patuloy na pag-igting ng pananabik sa tambalang JeoLee.


Gayunman, ginamit ng isang X user ang naturang post upang punahin ang career ni Tabudlo. Komento nito, “I mean natabunan na sya ng COJ (Cup of Joe) at ni Maki, kailangan nya ulit ng clout to be relevant,” na sinabayan pa ng mga laughing emojis.


Hindi naman pinalampas ni Zack ang negatibong komento at hinimok ang netizen na sa halip na magbigay ng negatibong pahayag ay suportahan na lamang ang lahat ng artists.


“broo why can't y'all just support ALL artists in general! Also, you’re doing too much,” tugon niya.


“I made a song kasi nakakakilig and nakakatuwa naman talaga sila HAHAHA,” aniya. “We're all out here making music trying to champion OPM and the PH. ikaw ano ambag mo? its almost 2027 cut the negativity.”


Naganap ang palitan ng komento matapos ianunsyo ni Tabudlo sa TikTok na sumulat at bumuo siya ng awiting pinamagatang “Tsaka Nalang,” na hango sa mga interaksiyon nina Jeo at Gehlee sa loob ng Pinoy Big Brother house.


Ibinahagi rin niya ang paunang silip sa lyrics ng kanta, na ikinatuwa ng mga JeoLee fans na sabik na magkaroon ng theme song ang kanilang paboritong tambalan.


Sa hiwalay na post sa X, inanunsyo ni Tabudlo na ilalabas ang kanta sa Huwebes ng hatinggabi.


Naging contestant si Tabudlo sa The Voice Kids Philippines noong 2014 bago tuluyang nakilala bilang singer-songwriter. Ilan sa mga OPM hit na nagmula sa kaniya ay ang “Nangangamba,” “Sigurado,” “Binibini,” at “Pano.”


Muli rin siyang nagbalik sa nasabing kompetisyon, bilang coach sa ikapitong season, kung saan naging mentee niya ang grand champion na si Sofia Mallares.

bottom of page