top of page

YG Entertainment ng BLACKPINK, maglulunsad ng dalawang bagong K-pop group

Kimberly Asis / Sari Story News

October 15, 2026 at 11:58:06 AM

Larawan ng dalawang bagong grupo ng K-Pop.

Larawan kuha mula sa Instagram account ng YG Entertainment.

INSTAGRAM / YG Entertainment

Naghahanda ang YG Entertainment na mag-debut ng dalawang bagong K-pop group—isang boy group na binubuo ng limang miyembro at isang girl group na may apat na miyembro—bilang bahagi ng pagpapalawak ng hanay ng mga artist ng South Korean entertainment agency.


Inanunsiyo ni YG founder at executive producer Yang Hyun-suk ang plano sa isang social media update kung saan ibinahagi niya ang mga nakatakdang proyekto ng kumpanya.


“We are currently preparing to debut two new groups: a five-member boy group and a four-member girl group,” pahayag ni Yang.


“Alongside TREASURE and BABYMONSTER, these two groups will play an important role in shaping YG's future, and I am personally doing everything I can to ensure they are fully prepared,” dagdag niya.


Inaasahang makapag rekord ng ilang demo song ang dalawang bagong grupo bago matapos ang taon. Ayon kay Yang, mas magiging malinaw ang iskedyul ng kanilang debut kapag napili na ang kani-kanilang title track.


Nangako rin si Yang na magbibigay siya ng panibagong update bago matapos ang taon.


“I'll be back toward the end of this year with another YG ANNOUNCEMENT video, bringing you more exciting updates and good news,” dagdag niya.


Samantala, nakatakdang ilabas ng BABYMONSTER ang bago nitong digital single na “Deserve” sa Oktubre 23. Ito ang unang bagong release ng pitong miyembrong grupo sa loob ng humigit-kumulang apat na buwan, kasunod ng kantang “Sugar Honey Ice Tea.”


Inilarawan ni Yang ang bagong kanta bilang isang piyesang may mas mabagal na tempo, na pinagsasama ang malumanay na tinig ng mga miyembro at ang kanilang malalakas na vocal performance, na unti-unting tumitindi hanggang sa emosyonal na climax. Target din ng grupo na maglabas ng bagong album sa unang bahagi ng susunod na taon.


Samantala, nakatakda namang ilabas ng TREASURE ang digital single nitong “Shock” sa Nobyembre 2.


Ayon kay Yang, tampok sa kanta ang matinding hip-hop sound habang naghahanda ang 10-miyembrong boy group para sa panibagong yugto ng kanilang mga aktibidad sa pagpasok ng 2027.


Bukod sa TREASURE at BABYMONSTER, kabilang din sa mga artist na kinakatawan ng YG Entertainment ang global girl group na BLACKPINK at ilang solo artist.


Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, nagpasalamat si Yang sa patuloy na suporta ng mga tagahanga sa buong mundo.


“To all our fans around the world, thank you from the bottom of my heart for always believing in YG artists and patiently waiting for us,” pahayag niya.

bottom of page