Wowie De Guzman, tiniyak na maayos ang kalagayan matapos ang aksidente sa Batangas
Kimberly Asis / Sari Story News
October 14, 2026 at 10:33:44 AM
Tiniyak ng aktor at dancer na si Wowie De Guzman sa kanyang mga tagahanga na ligtas siya matapos umanong magtamo ng mga minor injury sa isang car accident sa Batangas noong Martes ng madaling araw, Oktubre 13.
Nangyari ang insidente dakong alas-4 ng madaling araw sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay San Bartolome, Santo Tomas City, nang bumangga ang minamanehong sasakyan ni Wowie sa mga konkretong harang sa gitna ng highway.
Ayon kay Sto. Tomas City police chief Lieutenant Colonel Marlon Cabataña, inamin umano ni Wowie na nakatulog siya habang nagmamaneho, dahilan upang bumangga ang sasakyan sa mga harang.
Makikita sa mga larawang kuha matapos ang aksidente ang matinding pinsala sa harapang bahagi ng sasakyan. Umalsa rin ang mga airbag nang maganap ang banggaan, kaya naman mga pasa lamang sa hita ang tinamo ni Wowie. Hindi naman nasaktan ang dalawa niyang kasama.
Pabalik na sa Maynila ang grupo matapos dumalo sa isang event sa Guinayangan, Quezon. Bago ang aksidente, nagbahagi rin si Wowie sa kanyang Facebook page ng video na kuha habang dumadalo siya sa nasabing event.
Matapos ang insidente, nagbigay ng katiyakan si Wowie, 50, sa kanyang mga tagasubaybay at kaibigan sa pamamagitan ng Facebook na maayos ang kanyang kalagayan at wala siyang malubhang pinsala.
“Fyi guys...relax po. Thankfully ok po ako. Walang serious injury im 100% ok. Kayang kaya na mag warm up mamaya. Kagigising lang now dito sa Pampanga,” aniya.
Kalaunan, nagbahagi rin ang Zumba instructor ng video kung saan ipinaliwanag niya ang nangyari at muling tiniyak na ligtas siya at ang kanyang mga kasama.
"Anyway, tungkol dun sa nangyari kanina, just to inform everyone, okay po ako. Kagigising ko lang ulit. Natulog ulit ako kasi pagod nga sa biyahe. Okay po ako. Wala po akong injury. Upon checking si Jerry muna, okay siya. So far wala naman din siyang nararamdaman ngayon. Si Paolo, iyong kaibigan ko, yung aking director, road manager and all-around assistant, wala din siyang [nararamdaman]. Magkasama sila ng buong pamilya nila,” paliwanag niya.
Nagpasalamat din si Wowie sa lahat ng nagpaabot ng pangungumusta at nagpahayag ng pag-aalala matapos ang aksidente.
“Okay na okay po ako. Wag na po kayong mag-alala especially sa ating community na sobrang concern. Halos lahat tumatawag sa akin. Thank you, nakaka-touch. Anyway, God bless.”
Kasabay nito, hinimok din niya ang publiko na mag-ingat sa kalsada upang maiwasan ang mga aksidente.
“Mag-ingat po tayo. Isa po syang aksidente na hindi natin gustong mangyari. Ang importante, wala po kaming nadisgrasya. Wala po akong nadisgrasya na tao or human being. At ganun din po kami. Wala pong nangyaring masama sa aming tatlo. Pray na lang po at pasalamat at tayo'y ginuide ng ating Panginoon."
“Maraming salamat po sa concern. Wag na po kayong mag-alala,” pagtatapos niya sa video.

