top of page

Walang intensiyong manakit si Selma Blair sa insidente sa eroplano, ayon sa tagapagsalita niya

Reuters; Isinalin ng Sari Story Network

October 19, 2026 at 6:31:27 AM

Larawan ni Selma Blair

FILE PHOTO: Umalis ang aktres na si Selma Blair sa Queens Criminal Court matapos ang kanyang arraignment, kasunod ng pag-aresto sa kanya dahil sa ulat ng mga flight attendant tungkol sa isang “pasaherong nananakit” sa isang flight ng Delta Air Lines mula Los Angeles patungong New York, sa New York, Estados Unidos, Oktubre 12, 2026. Kuha mula sa video.

Reuters

Sinabi ng kinatawan ni Selma Blair noong Biyernes (Oktubre 16) na walang intensiyon ang aktres na saktan ang sinuman o buksan ang pinto ng eroplano, matapos siyang arestuhin at sampahan ng kasong pananakit kaugnay ng isang insidente sa flight ng Delta Air Lines sa Estados Unidos nitong linggo.

 

Sa isang pahayag na inilabas ng kanyang publicist, muling iginiit na nakaranas ng medical emergency si Blair, na may multiple sclerosis, habang nasa biyahe mula Los Angeles patungong New York.

 

Itinanggi rin sa pahayag ang mga ulat ng ilang media outlet na tinangka umano ng aktres na buksan ang pinto ng eroplano.

 

“Walang anumang pagtatangkang buksan ang pinto ng eroplano. Walang intensiyon si Selma na saktan ang sinuman (There was no attempt to open the door of the aircraft. Selma did not intend to harm anyone),” ayon sa pahayag.

 

Noong Lunes (Oktubre 12), naghain si Blair ng not guilty plea sa mga kasong pananakit sa isang pulis na sangkot sa pag-aresto sa kanya sa John F. Kennedy Airport sa New York, gayundin sa isang nurse sa ospital kung saan siya dinala matapos ang insidente.

 

Ayon sa pahayag ng police department ng Port Authority of New York and New Jersey, sinalubong ng mga pulis ang eroplano pagkalapag nito matapos makatanggap ng ulat tungkol sa isang pasaherong nananakit, na kalaunan ay kinilalang si Blair.

 

Sinabi ng pulisya na dalawang flight attendant ang nag-ulat na nagtamo sila ng mga pinsala, at isa sa kanila ang dinala sa ospital.

 

Si Blair, 54, ay kilala sa kanyang mga pagganap sa mga pelikulang “Cruel Intentions” at “Hellboy.” Nauna na rin niyang ibinahagi sa publiko na na-diagnose siya ng multiple sclerosis noong 2018.

 

Ayon sa kanyang kinatawan, mayroon ding neurological condition si Blair na tinatawag na pseudobulbar affect, na direktang nakaaapekto sa paraan ng pagpapakita ng kanyang mga sintomas sa panahon ng isang medical episode, lalo na sa paningin ng mga taong hindi pamilyar sa kanyang kondisyon.

 

“Marami pang detalye sa kuwentong ito na hindi pa naiuulat. Hinihiling namin na isaalang-alang muna ang kabuuan ng mga katotohanan bago magmadaling humusga, maging sa loob ng korte o sa mata ng publiko (There is much more to this story than has been reported, and we ask to consider the entirety of the facts before rushing to judgment, whether in the courtroom or in the court of public opinion),” ayon sa mga kinatawan ni Blair.

bottom of page