VXON, naghahanda para sa kauna-unahang pagtatanghal sa Japan
Kimberly Asis / Sari Story News
November 3, 2026 at 10:55:02 AM
Unang beses na tutungo sa Japan ang P-pop boy group na VXON upang dalhin sa international stage ang kanilang musika sa Philippine Festival Tokyo 2026 na gaganapin sa Nobyembre 28 at 29.
Magtatanghal ang grupo sa Yoyogi Park Outdoor Stage sa Shibuya, Tokyo, kung saan magkakaroon ng pagkakataon ang kanilang Japanese fans at Vixies na mapanood sila nang live.
Aabangan din ng Vixies, ang masugid na fanbase ng grupo, ang pagkakataong mapakinggan ang kauna-unahang Japanese single ng VXON. Pinamagatang “KNT (君の特別) Kimi no Tokubetsu,” inilabas ang kanta noong Oktubre 16 bilang Japanese version ng kanilang patok na awiting “KNT (Kanta Ng Tanga).” Ang Japanese title nito ay nangangahulugang “Your Special One.”
Bukod sa kanilang bagong single, inaasahan ding mapapakinggan ng mga fan ang ilan sa mga dati na nilang inilabas na kanta. Sa isang Instagram post, nagbigay rin ng pasilip ang VXON sa maaaring abangan ng audience sa kanilang pagtatanghal.
“Expect a high-energy live performance, plus maybe some special fan-interaction activities...?” saad ng grupo.
Libre ang pagpasok sa festival na inorganisa ng Philippine Festival Tokyo Executive Committee (Philippine Assistance Group/PAG), katuwang ang Embassy of the Republic of the Philippines in Japan.
Binubuo ang VXON nina C13, Sam, Franz, Vince, at Patrick. Kilala rin sila bilang Monsters of P-pop. Mula nang mag-debut noong 2022, nakapaglabas na ang grupo ng mga awiting tulad ng “The Beast,” “Sandal,” at “SSP (Saksak sa Puso).”
Pinamamahalaan ang VXON ng Cornerstone Entertainment at nakapirma rin sila sa Japanese agency na PIA Corporation noong Hulyo.
Bago magtungo sa Japan, makakasama muna ng VXON ang kanilang Filipino fans sa “VXON: Beyond the Stage,” isang espesyal na event na magbibigay sa mga tagahanga ng pagkakataong mas makilala ang bawat miyembro sa pamamagitan ng film screening, live performance, at iba't ibang fan-service activities.
Gaganapin ang event sa Nobyembre 14 sa Cinema 11 ng Gateway Cineplex 18, na may tatlong screening at activity schedules na magsisimula ganap na 1 p.m., 4 p.m., at 7 p.m.
Matatandaang nagdaos din ang VXON ng kanilang “Kalawakan: The Evolution” concert sa New Frontier Theater noong unang bahagi ng taong ito.

