top of page

Tuesday Vargas, ipinaalam sa NBI Cybercrime Division ang umano’y death threats

Kim Asis / Sari Story News

October 30, 2026 at 7:33:06 AM

Larawan ni Tuesday Vargas

Bilang tugon, kinondena ni Vargas, 45, ang nagkomento dahil humihingi ito ng respeto habang umano'y nagpapakita ng mapanirang asal at nagbabanta sa kanya.

From the Facebook page of Tuesday Vargas

Nanawagan ang komedyante at singer na si Tuesday Vargas sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isang netizen na nagpadala umano sa kaniya ng death threats at nagbitaw ng mapanirang salita at personal na pag-atake kaugnay ng kaniyang hit song na “Babae Po Ako.”


Dinala ng aktres ang usapin sa social media kung saan ibinahagi niya ang screenshot ng mahabang komento ng naturang netizen sa Facebook at itinag ang NBI.


“NBI Cyber Crime Division reporting this person to your good office,” sulat niya bilang panawagan sa ahensiya na imbestigahan ang umano'y online harassment na kaniyang natanggap.


Una nang kinuwestiyon ng netizen ang signature song ni Vargas noong 2004, na kilala rin sa titulong “Di Ako Bakla,” at nagpahayag ng pagkadismaya sa mga liriko nito.


“Sino ba kumanta ng ‘bakla kla kla kla’???” tanong ng nagkomento. Iginiit din ng netizen na hindi umano katanggap-tanggap sa mga straight na lalaki ang naturang kanta.


“Hindi mo ba alam na isang pambabalahura sa aming mga straight ang kanta mo? Hindi mo ba alam na karamihan sa aming mga lalaki nababastos sa ganyang paraan? Hindi mo ba alam na karamihan sa aming mga lalaki tatahimik na lang?” saad sa komento.


Binanggit din ng netizen ang mas mataas umanong suicide rate ng mga lalaki kumpara sa mga babae at iginiit na marami sa kanila ang nahihirapang magsalita laban sa bullying. Inakusahan pa nito si Vargas na nang-aapi rin umano ng iba.


Gayunman, hindi lamang pagpuna sa kaniyang kanta ang laman ng komento dahil nauwi rin ito sa mga personal na pag-atake. Ginamit pa ng netizen laban kay Vargas ang naging karanasan niya sa depression at sinabing, “Di ba lately na-depress ka? BUTI NGA SA'YO!”


Naglaman din ang komento ng mga pahayag na nagsasabing mamatay siya at hinihikayat siyang magpakamatay. Mayroon din itong mapanirang pananalita laban sa LGBTQIA+ community at idinamay pa ang pamilya ng singer sa pamamagitan ng isang mapanakit na pahayag tungkol sa AIDS. “Maka-AIDS yang pamilya mo,” sulat ng netizen.


Patuloy nitong pinuntirya ang mental health ni Vargas sa pagsasabing, “Mga kagaya mo na kakarma na! Madepress ka pa sanang hay** ka!”


Bilang tugon, pinuna ng 45-anyos na si Vargas ang netizen dahil hinihingi umano nito ang respeto habang nagbibitaw naman ng mapanirang salita at pagbabanta laban sa kaniya.


“You're crying about respect while typing death threats, hate speech and telling people to commit suicide,” sulat niya. “You are the exact definition of the problem you're complaining about. The hypocrisy is loud. Take this toxic hate elsewhere,” dagdag pa niya.


Ipinahiwatig din ni Vargas na handa siyang magsagawa ng legal na hakbang laban sa netizen.


“My legal team will be in touch,” mensahe niya rito.


Kasabay ng screenshot, ibinahagi rin ni Vargas ang Facebook profile ng netizen kung saan makikita ang pangalan at larawan nito sa kaniyang pampublikong post.


Sa ngayon, hindi pa malinaw kung pormal nang naghain ng reklamo si Vargas laban sa naturang netizen.


bottom of page