Tom Cruise, gagawaran ng Lifetime Achievement Award ng American Film Institute
Lisa Richwine/Reuters; Isinalin ni Sandra Salem/ Sari Story Network
October 22, 2026 at 11:55:30 AM
LOS ANGELES — Gagawaran ang aktor na si Tom Cruise, na kilala sa mga pelikulang mula sa “Risky Business” hanggang sa “Top Gun,” ng Life Achievement Award mula sa American Film Institute (AFI) sa isang seremonya sa Hollywood sa Abril, ayon sa mga organizer nitong Miyerkules.
Ang AFI, isang non-profit na organisasyong nakatuon sa pangangalaga at pagpapalaganap ng mga pelikula, ay taunang nagbibigay ng parangal na ito mula pa noong 1973. Kabilang sa mga unang tumanggap nito sina Bette Davis, Gene Kelly, Elizabeth Taylor, at Tom Hanks.
Kilala si Cruise sa buong industriya ng pelikula bilang isa sa mga pinaka masugid na tagapagtaguyod ng mga sinehan.
“Bilang aktor at prodyuser, ipinapakita niya ang pambihirang dedikasyon sa lahat ng kanyang ginagawa (As an actor and producer, he brings an extraordinary commitment to everything he does),” pahayag ng prodyuser na si Kathleen Kennedy, tagapangulo ng lupon ng mga tagapangasiwa ng AFI. “Ang higit kong hinahangaan ay ang matibay niyang paniniwala sa mga pelikula at sa kakayahan ng mga ito na pag-isahin ang mga tao (What I especially admire is his deep belief in movies and their ability to bring people together).”
Tatlong beses nang nominado si Cruise sa Academy Awards para sa kanyang pag-arte at tumanggap siya ng isang honorary Oscar noong nakaraang taon bilang pagkilala sa kanyang panghabambuhay na kontribusyon sa industriya ng pelikula.
Kabilang sa kanyang mga pelikula ang “Jerry Maguire,” “Minority Report,” “A Few Good Men,” “Rain Man,” at ang seryeng “Mission: Impossible.”
Nahirapan naman sa takilya ang pinakabagong pelikula ni Cruise, ang mamahaling dark comedy na “Digger.” Nagtapos ito sa ikalimang puwesto sa takilya sa Estados Unidos at Canada noong pambungad na weekend nito sa Oktubre.

