The Rock at co-stars, muling magsasama para sa huling adventure sa ‘Jumanji: Open World’
Kimberly Asis / Sari Story News
October 23, 2026 at 12:02:18 PM
Muling magbabalik ang “Jumanji” franchise para sa isang bagong adventure matapos ilabas ng Columbia Pictures Philippines ang poster ng “Jumanji: Open World,” na mapapanood sa mga sinehan simula Enero 13, 2027.
Tampok sa poster ang pagbabalik ng mga pangunahing artista ng franchise na sina Dwayne “The Rock” Johnson, Kevin Hart, Jack Black, at Karen Gillan, kasama ang ilang hayop.
Ang tagline nitong “Two Worlds Collide. One Final Game” ay nagbibigay-pahiwatig sa mga hamong haharapin ng mga karakter sa sinasabing huling installment ng franchise.
Sa direksiyon ni Jake Kasdan, muling magsasama-sama ang pangunahing cast. Babalikan ni Johnson ang kaniyang papel bilang Dr. Smolder Bravestone, si Hart naman ang karakter na Franklin “Mouse” Finbar, si Black bilang Professor Sheldon Oberon, at si Gillan bilang Ruby Roundhouse. Kasama rin sa cast sina Alex Wolff, Madison Iseman, Morgan Turner, Ser'Darius Blain, Nick Jonas, at Danny DeVito.
Kapwa isinulat nina Kasdan, Jeff Pinkner, at Scott Rosenberg ang screenplay ng pelikula. Nagsisilbi rin si Johnson bilang producer kasama sina Matt Tolmach, Kasdan, Dany Garcia, at Hiram Garcia. Hango ang pelikula sa librong pambata na “Jumanji,” na isinulat at iginuhit ni Chris Van Allsburg noong 1981.
Kasunod ng “Jumanji: Welcome to the Jungle” at “Jumanji: The Next Level,” dadalhin ng bagong installment ang pakikipagsapalaran sa labas ng mismong laro. Sa trailer, makikitang nakatakas ang mga hayop mula sa laro at nakapasok sa totoong mundo.
Nagsimula ang franchise sa pelikulang “Jumanji” noong 1995, sa direksiyon ni Joe Johnston. Pinagbidahan ito ng yumaong aktor na si Robin Williams, kasama sina Kirsten Dunst, Bonnie Hunt, at Jonathan Hyde.
Muling binigyang-buhay ang konsepto ng pelikula sa “Jumanji: Welcome to the Jungle,” na umiikot sa kuwento ng apat na teenager na naipit sa isang video game at napunta sa katawan ng kani-kanilang adult avatar.
Ipinalabas noong Disyembre 2017, kumita ang “Jumanji: Welcome to the Jungle” ng mahigit $960 milyon sa buong mundo. Samantala, nakapagtala naman ng mahigit $801 milyon sa pandaigdigang takilya ang sequel nitong “Jumanji: The Next Level,” na ipinalabas noong 2019.
Unang mapapanood ang “Jumanji: Open World” sa mga sinehan sa US sa Araw ng Pasko, Disyembre 25, ilang linggo bago ang pagpapalabas nito sa Pilipinas.

