Taylor Swift, may apat na bagong awitin sa kaniyang 2025 hit album na ‘The Life of a Showgirl’
Sandra Samala-Salem
September 25, 2026 at 1:25:07 PM
LOS ANGELES — Naglabas ang pop music superstar na si Taylor Swift ng apat na bagong kanta na idinagdag niya sa kaniyang hit album noong 2025 na “The Life of a Showgirl,” kabilang ang single na “Patient Zero” tungkol sa isang mapanirang relasyon.
Ang pinalawak na bersyon ng album na pinamagatang “The Life of a Showgirl: The Encore” ay inilabas pagsapit ng hatinggabi, Eastern Daylight Time (0400 GMT), noong Biyernes sa Estados Unidos.
Nakatakdang ipalabas sa Linggo ang music video para sa “Patient Zero” sa seremonya ng MTV Video Music Awards, kung saan pararangalan si Swift ng unang artist director trophy. Gaganap din sa video sina Colin Farrell at Dakota Johnson.
“If you're sick of him, I've got you. I was patient zero,” awit ni Swift sa kanta.
Kasama rin sa mga bagong kanta ang “Cleveland!,” na tumutukoy sa bayang kinalakhan ng asawa ni Swift na si Travis Kelce, manlalaro ng Kansas City Chiefs. “My baby likes what he likes,” awit niya. “He already took me to Cleveland.”
Ikinasal ang dalawa noong Hulyo matapos ang tatlong taong relasyon.
Nakapagtala ng ilang rekord ang “Showgirl” nang ilabas ito noong Oktubre 2025. Ito ang naging unang album sa kasaysayan na lahat ng 12 kanta ay sabay-sabay na pumasok sa top 12 ng Billboard. Nagtala rin ito ng rekord sa benta noong unang linggo nito sa makabagong panahon ng industriya ng musika, batay sa benta ng album at bilang ng mga stream.
Ayon kay Swift, isinulat niya ang mga bagong kanta nang magpunta siya sa Sweden upang ipagdiwang ang tagumpay ng “Showgirl” kasama ang mga producer na sina Max Martin at Shellback.

