Sylvester Stallone ang tunay na Rocky Balboa — direktor ng ‘I Play Rocky’
Sari Story
September 13, 2026 at 8:21:23 AM
TORONTO — Ang buhay ni Sylvester Stallone ang tunay na kuwento ni Rocky Balboa, ayon sa direktor ng pelikulang si Peter Farrelly, habang naglalakad ito sa red carpet para sa premiere ng “I Play Rocky” sa Toronto International Film Festival nitong Sabado.
Isinasadula ng pelikula ang kuwento sa likod ng paggawa ng “Rocky,” isang kuwento tungkol sa isang underdog na naging inspirasyon sa maraming tagahanga dahil sa matinding determinasyon ng kathang-isip na karakter ni Stallone na si Rocky Balboa.
Layunin ni Farrelly na ipakilala ang “I Play Rocky” sa mga tagahanga ng kathang-isip na boksingerong mula Philadelphia, gayundin sa mga nakababatang manonood na hindi pamilyar sa mga pinagdaanan ni Stallone bago siya sumikat bilang bida ng “Rocky.”
Si Stallone ang sumulat at gumanap sa pelikulang ipinalabas noong 1976, na kalaunan ay naging isang cultural phenomenon.
“Ang kuwento ng Rocky ay totoong kuwento. Kathang-isip si Rocky, pero ang kuwento ni Stallone ang tunay na kuwento ng Rocky (The Rocky story is actually a true story. Rocky is fiction, but Stallone's story is the Rocky story), “ani Farrelly.
“At ang mensahe ay: huwag kang susuko at huwag kang magpapatalo. Hindi ka dapat mabili. Sa panahon ngayon, halos lahat ay nabibili at inuuna ang pera. Hindi niya iyon ginawa ("And the message is: you never give up and you never give in. You can't be bought out. And in this day and age, everybody's bought out, everybody goes for the money. He didn't),” dagdag niya.
Nang tanungin kung napanood na ni Stallone ang pelikula, sinabi ni Farrelly na pinanood ito ng 80-anyos na aktor nang mag-isa.
“Nakakakaba dahil mag-isa niya itong pinanood. Magandang panoorin ang pelikulang ito kasama ang maraming tao. Hindi ko alam kung paano niya ito tatanggapin (It was nerve-wracking because he (Stallone) saw it alone. And this is a great movie with a crowd. I didn't know how he was going to take it),” ani Farrelly.
“Pero nagustuhan niya. Salamat sa Diyos (But he loved it. Thank god).”
Hindi gaanong kilala si Stallone bilang aktor bago niya ialok ang kuwento ng Rocky, at matigas niyang iginiit na walang ibang aktor kundi siya ang gumanap sa pangunahing papel.
Nominado ang pelikula para sa 10 Oscar at nanalo ng tatlo.
Si Anthony Ippolito ang gumanap bilang Stallone sa “I Play Rocky,” kung saan ipinakita ang determinasyon ng aktor na maging isang artista, kabilang ang paggaya sa kaniyang malalim at paos na boses at matipunong pangangatawan. Muling isinadula rin sa pelikula ang iconic na eksena sa hagdan ng Rocky sa Philadelphia.
Ipapalabas ang pelikula sa mga sinehan sa Estados Unidos sa ilalim ng MGM Studios ng Amazon at sa Canada sa pamamagitan ng Elevation Pictures.

