top of page

Stray Kids’ Felix, nag-donate ng halos ₱14 milyon sa charity para sa mga bata sa kanyang kaarawan

Kimberly Asis / Sari Story News

September 16, 2026 at 11:25:03 AM

Larawan ni Felix ng Stray Kids

Umaasa si Felix na ang donasyon ay maging “maliit ngunit taos-pusong pinagmumulan ng lakas” para sa mga bata at maghatid ng pag-asa sa kanilang buhay sa mga darating na araw.

Mula sa Instagram account ng Stray Kids.

Ipinagdiwang ni Felix ng Stray Kids ang kanyang ika-26 na kaarawan sa pamamagitan ng ₩300 milyon (mahigit ₱13 milyon) na donasyon sa apat na organisasyong tumutulong sa mga batang nangangailangan at mga komunidad na naapektuhan ng mga sakuna sa ibang bansa.


Ayon sa AllKpop, nagbigay si Felix ng mga donasyon noong Setyembre 15 sa Samsung Medical Center sa Seoul, Seoul National University Children’s Hospital, Books International, at UNICEF Korea. Ang mga detalye ay kinumpirma ng ahensya ng Stray Kids, ang JYP Entertainment.


Nagbigay siya ng tig-₩100 milyon (mahigit ₱4.6 milyon) sa Samsung Medical Center at Seoul National University Children’s Hospital. Ang donasyon sa Samsung Medical Center ay gagamitin upang makatulong sa gastusing medikal ng mga bata at teenager na sumasailalim sa paggamot para sa cancer, habang ang kontribusyon sa Seoul National University Children’s Hospital ay susuporta sa mga pediatric na pasyente mula sa mga pamilyang nahaharap sa problemang pinansyal.


Nagbigay rin si Felix ng ₩50 milyon (halos ₱2.3 milyon) sa Books International. Gagamitin ang pondo para sa paglikha ng mga picture book sa mga katutubong wika ng mga bata bilang bahagi ng edukasyon pangkultura ng nonprofit organization at pagsisikapkamalayan. Isa pang ₩50 milyon ang ibinigay niya sa UNICEF Korea upang suportahan ang mga emergency relief efforts para sa mga komunidad na naapektuhan ng matinding pagbaha sa Nepal.


Sinabi ni Felix na umaasa siyang ang kanyang donasyon ay magsilbing “small but warm source of strength” para sa mga bata at makapagdala ng pag-asa sa kanilang buhay sa mga darating na araw.


Dagdag ang donasyong ito sa patuloy na pagtulong ni Felix sa mga batang at pamilyang nangangailangan. Ayon sa The Korea Times, nag-donate siya noong 2024 sa mga programa ng UNICEF na nagbibigay ng masustansyang pagkain, malinis na tubig, at sanitasyon para sa mga bata sa Laos. Sinuportahan din niya ang Breakfast for Kids program ng World Vision Korea para sa mga batang walang regular na access sa masustansyang pagkain.


Sa mga nakaraang taon, sinuportahan din ni Felix ang mga pediatric patient sa Samsung Medical Center, mga batang nagsisilbing tagapag-alaga ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng World Vision, at mga programa ng UNICEF na tumutulong sa mga bata sa Laos.


Nakiisa rin si Felix kasama ang kanyang mga kasamahan sa Stray Kids sa pagsuporta sa mga pagsisikap sa pagtulong sa kalamidad. Noong nakaraang taon, nag-donate ang mga miyembro sa Hope Bridge Korea Disaster Relief Association at World Vision upang matulungan ang mga komunidad na naapektuhan ng mga wildfire sa South Gyeongsang at North Gyeongsang provinces.


Samantala, nagpapatuloy ang international activities ng Stray Kids, kabilang ang kanilang mga pagharap sa malalaking festival at mga pagtatanghal bilang bahagi ng kanilang world tour. Noong Martes, nagtanghal ang grupo para sa kanilang ikalawang show sa Buenos Aires, Argentina, bilang bahagi ng “Straycity,” ang festival project na pinangungunahan ng grupo at ginaganap sa tatlong lokasyon sa South America, kung saan dalawa na ang naisagawa at ang isa pa ay gaganapin pa.

bottom of page