South Korean network JTBC, ibinebenta dahil sa lumalaking utang
Kimberly Asis / Sari Story News
November 10, 2026 at 10:55:41 AM
Opisyal nang inilalagay sa bentahan ang South Korean television network na JTBC (Joongang Tongyang Broadcasting Company). Naglabas ito ng abiso noong Lunes, Nobyembre 9, upang maghanap ng mga posibleng mamimili sa gitna ng lumalaking utang at nagpapatuloy na proseso ng corporate rehabilitation.
Ayon sa The Korea Times, sinimulan na ng broadcasting company ang isang open competitive bidding process upang makahikayat ng mga panlabas na mamumuhunan at makahanap ng bagong may-ari. Sinabi ng EY Hanyoung, ang accounting firm na nangangasiwa sa bentahan, na may apat na linggo ang mga interesadong partido upang isumite ang kanilang letters of intent (LOIs).
Isasagawa naman ang paunang pagsusuri sa kalagayan ng kumpanya at mga rekord nito mula Disyembre 7, 2026 hanggang Enero 8, 2027 para sa mga kandidatong magsusumite ng LOIs. Nakatakdang isumite ang mga pinal na panukala sa pagbili sa Enero 15, habang target ng JTBC na pumili ng pangunahing bidder bago matapos ang buwan, ayon sa Chosunbiz.
Sa halip na simpleng ibenta ang mga kasalukuyang shares nito, nakatuon ang kasunduan sa pagpasok ng bagong puhunan sa pamamagitan ng mga hakbang gaya ng paid-in capital increase at bond issuance, ayon sa Maeil Business. Kabilang sa mga pangunahing isasaalang-alang sa pagpili ng bagong mamumuhunan ang kakayahan nitong pinansiyal at mga planong pamahalaan ang negosyo.
Tiniyak ng JTBC na isasagawa nito ang bentahan sa isang "transparent and fair" na paraan, alinsunod sa mga umiiral na batas at mga prosesong pang-rehabilitation na pinangangasiwaan ng korte. Umaasa rin ang network na magbibigay ang pagbili rito ng mas matatag at pangmatagalang pundasyon para sa paglago, habang pinapalawak ang mga programang at content offerings nito at pinatitibay ang kakayahang makipagsabayan sa industriya.
Nangyari ang planong pagbebenta dalawang buwan matapos aprubahan ng Seoul Bankruptcy Court noong huling bahagi ng Agosto ang kahilingan ng JTBC na sumailalim sa corporate rehabilitation proceedings. Sa ilalim ng prosesong ito, maaari nitong isaayos ang mga utang sa pangangasiwa ng korte. Inaasahan namang makatutulong ang planong pagbili sa kumpanya upang maging mas matatag ang operasyon nito at mapabuti ang kalagayang pinansiyal.
Mula nang magsimula ang operasyon noong 2011, nakilala ang JTBC sa paggawa ng ilan sa mga pinakasikat at pinakapinag-usapang Korean drama. Kabilang sa mga sumikat nitong palabas ang “18 Again,” “Beyond Evil,” “Doctor Cha,” “Itaewon Class,” “The World of the Married,” “Reborn Rich,” “SKY Castle,” “Strong Woman Do Bong-soon,” at "King the Land." Kasalukuyan ding umeere sa network ang food at culinary slice-of-life drama na "Final Table."

