South Korean actor na si So Ji-sub, magdaraos ng fan meet sa Manila ngayong Nobyembre
Sari Story
September 4, 2026 at 10:22:23 AM
Magbabalik sa Manila ngayong Nobyembre ang South Korean actor na si So Ji-sub para sa isang espesyal na fan meet bilang bahagi ng kanyang 2026 Asia tour.
Magkakaroon ng fan meeting ang 48-anyos na aktor sa Nobyembre 5 sa New Frontier Theater sa Quezon City bilang bahagi ng 2026 “SO JI SUB ASIA FANMEETING TOUR [Soulmate The Timeless].” Ito ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas makalipas ang pitong taon.
Inanunsyo ng Live Nation Philippines ang Manila stop noong Martes, Setyembre 1.
“A special day with SO JI SUB is coming to Manila,” saad ng promoter sa caption nito.
Gaganapin din ang “Soulmate The Timeless” tour sa Macao, Taipei, Jakarta, at Bangkok. Ang Manila ang magiging ikalawang stop ng tour, kasunod ng kanyang show sa Macao sa Oktubre 24.
Inaasahang ilalabas sa mga susunod na linggo ang iba pang detalye tungkol sa Manila fan meeting, kabilang ang presyo ng tickets, seat sections, at schedule ng ticket selling.
Huling nakasama ni So ang kanyang Filipino fans noong 2019 sa parehong venue, kung saan libo-libong tagahanga ang dumalo. Ilang oras siyang nakipag-interact sa mga manonood, bukod sa pagkanta at pagtatanghal para sa kanyang fans.
Marami nang Korean drama at pelikula ang nagawa ng aktor, kabilang ang “The Master’s Sun,” “One Sunny Day,” “The Battleship Island,” “Cain and Abel,” at “Be With You.”
Matagal na ring kilala si So ng mga Filipino K-drama fan mula nang sumikat siya sa 2004 melodrama na “Memories of Bali.” Kabilang din sa iba pa niyang palabas ang “Oh My Venus,” “Doctor Lawyer,” at “Mercy for None.” Ang pinaka bago niyang serye ay ang webtoon-based revenge drama na “Agent Kim Reactivated.”
Bukod sa pag-arte, pinasok din ni So ang mundo ng musika at naglabas ng ilang kanta sa paglipas ng mga taon na ikinatuwa ng kanyang mga tagahanga.

