Skarsgard, pinuri ang hinabing kasuotan sa pelikulang ‘Wicker’ bilang isang obra maestra
Reuters / Hanna Rantala; Isinalin ng Sari Story Network
October 22, 2026 at 11:05:32 AM
Pinuri ng mga aktor na sina Olivia Colman at Alexander Skarsgard ang kakaibang konsepto ng bago nilang pelikulang “Wicker,” kung saan nagiging isang lalaking hinabi mula sa mga sanga ng punongkahoy ang karakter ni Skarsgard.
Parehong nakagampan na ang dalawa sa mga karakter na may kakaibang personalidad, ngunit sinabi nilang namumukod-tangi ang kanilang bagong pelikula dahil sa antas ng pagiging kakatwa nito.
Sa “Wicker,” isang absurdist romantic comedy na itinakda sa isang nayon noong Gitnang Panahon, gumaganap si Colman bilang isang babaeng itinakwil ng komunidad na kilala bilang Fisherwoman. Nais niyang magkaroon ng makakasama sa buhay kaya lumapit siya sa isang manghahabi ng basket, na ginagampanan ni Peter Dinklage, upang lumikha ito ng isang asawang may supernatural na kapangyarihan.
Sa kabila ng pangungutya ng mga tao sa simula, nagawang humanga ng lalaking gawa sa hinabing sanga ang Fisherwoman at ang mapanghusgang mga taganayon dahil sa kanyang pagiging sensitibo at mga kakayahan. Unti-unti rin niyang binago ang pamumuhay ng konserbatibong komunidad.
“Wala pa talaga akong nakitang katulad nito noon (I'd just never seen anything like that before),” ani Colman, na nagwagi ng Oscar para sa kanyang pagganap sa pelikulang “The Favourite” noong 2018. “Talagang orihinal ito (It was totally original).”
Umabot ng humigit-kumulang 18 buwan ang mga artist sa Weta Workshop sa New Zealand sa pagdidisenyo ng kasuotang ginamit ni Skarsgard. Nasubaybayan ng aktor na nakabase sa Stockholm, Sweden, ang pagbuo nito sa pamamagitan ng mga email at video call bago niya ito isinuot dalawang linggo bago magsimula ang shooting sa Budapest, Hungary.
“Isa iyon sa mga sandaling hinding-hindi ko malilimutan, nang maisuot ko ang kasuotan at maging siya (That was definitely a moment I'll never forget, when I got to step into him),” ani Skarsgard. “Gusto kong malaman ng mga manonood na aktuwal na ginawa ang kasuotan at hindi ito computer-generated imagery o CGI. Isa itong obra maestra (I really want the audience to know that it was practical and that it wasn't CGI... It was a masterpiece).”
Pinuri rin ni Skarsgard ang production team dahil pinaikli nito ang oras ng paglalagay ng kasuotan at make-up. Mula sa ilang oras noong una, wala pang dalawang oras ang kinakailangan upang makumpleto ang proseso.
Ayon sa aktor, kinailangan niyang masanay sa pag-arte habang suot ang kasuotan at palakihin ang kanyang mga galaw upang maging kapani-paniwala ang karakter.
“May iba't ibang bahagi ang kasuotan na idinikit sa mukha ko, pati maliliit na labi at pilikmatang gawa sa hibla ng flax at buhok (It had different pieces, elements to it, glued to my face, and little added lips and eyelashes made out of flax and hair),” paliwanag niya. “Hindi talaga natural ang pakiramdam dahil kailangan mong palakihin ang bawat galaw (It definitely didn't feel very organic because you had to really exaggerate everything).”
Hango ang pelikula sa maikling kuwento ni Ursula Wills-Jones na “The Wicker Husband.” Ginagampanan naman ni Elizabeth Debicki ang karakter na Tailor's Wife, na nangunguna sa kampanya laban sa Fisherwoman at sa kanyang di-pangkaraniwang asawa.
“May mga aral sa pelikula na mahinahong inilalahad (There are some lessons in the film that are done very gently),” ani Colman. “Nakababahala na kinukuwestiyon ang katayuan ng kababaihan sa ilang bahagi ng lipunan. Maganda ang mensahe ng pelikula tungkol sa pantay na relasyon, kabaitan, patriyarkiya at peminismo. Nagbibigay rin ito ng pagkakataong pansamantalang makalimot sa mga problema sa totoong buhay, na napakahalaga rin sa panahong ito (The position of women, which is getting challenged in certain quarters, alarmingly so, and it's just a lovely comment on an equal relationship and kindness and the patriarchy and feminism. It's also enormous escapism, which is also really important at this time),” dagdag niya.
“Komento ito sa ating lipunan at sa mundong ginagalawan natin (It's a commentary on our society and the world we live in),” ani Skarsgard, “pero umaasa akong maihahatid ito sa paraang tunay na nakaaaliw sa mga manonood (but hopefully done in a very entertaining way).”
Nagsimula ang pagpapalabas ng “Wicker” sa mga sinehan sa iba't ibang panig ng mundo nitong Miyerkules.

