top of page

Sing, dance, kembot: Baby Dolls, magtatanghal ng kauna-unahang solo concert ngayong Nobyembre

Kimberly Asis / Sari Story News

September 18, 2026 at 11:16:06 AM

Larawan ng grupong Baby Dolls.

Iscreengrab na larawan ng Baby Dolls mula sa Instagram account ng StarPop.

INSTAGRAM / StarPop

Nakatakdang magkaroon ng kanilang kauna-unahang solo concert ang Baby Dolls, ang resident dancers ng noontime show na “It’s Showtime.”


Kilala sa kanilang hit song na “Oohh Lala Baby,” pangungunahan ng pitong miyembro ng grupo ang concert na “Baby Dolls: Ooh La Live sa Skydome” sa Nobyembre 8, 2026, sa SM North EDSA Sky Dome sa Quezon City.


Kabilang sa mga miyembro ng grupo sina Arianne Dela Cruz, Chloe Florendo, Eriel Reyes, Ina Ortega, Jelai Ahamil, Johaira Mori, at Juby Sabino.


Sa kanilang social media announcement, hinikayat ng Baby Dolls ang kanilang mga tagahanga na makiisa sa kanilang unang solo concert.


“Get ready to sing, dance, kembot, at maki-party with our Pambansang Hype Pop group dahil ang pinakamalaki at pinakagrandeng Baby Dolls party ay malapit nang sakupin ang SKYDOME ngayong Nobyembre 8, 2026!” saad ng grupo.


Inilabas na rin ng Baby Dolls ang presyo ng mga ticket at seat plan para sa concert. Nasa ₱1,699 hanggang ₱4,499 ang halaga ng mga ticket, mula general admission hanggang sa SVIP tiers. Mabibili na ang mga ito sa Ticketmaster Philippines.


Unang nabuo ang Baby Dolls noong Mayo 2023 bilang resident dancers ng “It’s Showtime.” Ilan sa mga miyembro nito ay nagmula sa mga naunang segment ng programa.


Noong Marso, inilabas ng grupo ang kanilang unang extended play (EP) na pinamagatang “ZoomBaby Dolls.” Kabilang sa mga track nito ang “Ikembot Mo,” “Clap Clap Clap Alright!,” “Kitang Kita,” “Dulce Tirah Tirah,” at ang kanilang hit song na “Oohh Lala Baby.” Umabot na sa mahigit 10 milyong streams sa Spotify ang “Oohh Lala Baby.”


Samantala, nadagdagan ang mga awitin ng grupo sa paglabas ng “Meme,” ang kanilang pinakabagong single na inilabas noong Setyembre 3.


Bago ang kanilang unang solo concert, naging special guests din ang Baby Dolls sa 15th-anniversary concert ni Angeline Quinto na “AQUIN5E,” na ginanap noong Agosto 22 sa Smart Araneta Coliseum.

bottom of page