top of page

SB19, kinilala ng Senado para sa makasaysayang pagtatanghal sa Lollapalooza

Kimberly Asis / Sari Story News

September 29, 2026 at 10:43:59 AM

Isang screenshot ng larawan mula sa pahina sa Facebook ni Senador Bam Aquino.

Isang screenshot ng larawan mula sa pahina sa Facebook ni Senador Bam Aquino.

FACEBOOK / Bam Aquino

Kinilala ng Philippine Senate ang SB19 para sa kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Lollapalooza 2026 sa isang plenary session noong Lunes, Setyembre 28.


Pinagtibay ng Senado ang Senate Resolution No. 545 bilang pagkilala sa grupo—sina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin—para sa kanilang mga tagumpay at kontribusyon sa creative industries ng Pilipinas. Si Senator Bam Aquino ang pangunahing sponsor ng resolusyon.


Kasunod ang pagkilalang ito sa kanilang makasaysayang pagtatanghal noong Hulyo 30, kung saan naging kauna-unahang Filipino act ang SB19 na nagtanghal sa Lollapalooza, isa sa pinakamalalaking music festival sa mundo. Nagtanghal ang grupo sa Allianz Stage sa Grant Park sa Chicago para sa mga international audience. Kabilang sa kanilang mga itinanghal ang “GENTO,” “MAPA,” at ang kanilang pinakabagong kanta na “LAWLESS.”


Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Aquino kung gaano na kalayo ang narating ng SB19 mula sa kanilang mga unang taon bilang grupo.


“Masasabi nating matagal na nilang pinapatunayan na ‘GENTO’ talaga ang kayang gawin ng talentong Pilipino,” ani Aquino.


Binalikan din ng senador ang journey ng grupo, mula sa kanilang “GO Up” days hanggang sa pagtanghal sa ilan sa pinakamalalaking entablado sa buong mundo.


“Mula sa kanilang ‘GO Up’ days hanggang sa pinakamalalaking entablado sa mundo, hindi naging madali ang kanilang ‘MAPA’ patungo rito. Taon ng tiyaga, sakripisyo, at paniniwala sa sariling tunog ang nagdala sa kanila mula sa pagiging isang grupong nangangarap lang na makilala tungo sa pagiging isa sa mga mukha ng P-pop sa international stage,” dagdag ni Aquino.


Binigyang-diin din ni Aquino ang iba pang international milestones ng SB19, kabilang ang kanilang pagtatanghal sa Summer Sonic sa Japan noong Agosto.


Binanggit din niya ang mga naging tagumpay ng SB19 sa Billboard. Umabot sa No. 1 ang “Bazinga!” sa Billboard Hot Trending Songs chart at nanatili sa unang puwesto sa loob ng pitong magkakasunod na linggo. Samantala, nag-debut ang “DAM” sa Billboard World Digital Sales Chart noong 2025, na naging dahilan upang maging unang Filipino act ang SB19 na manguna sa chart na ito.


“Mr. President, mahalagang kilalanin natin ang mga tagumpay na ito because every time a Filipino artist steps onto the global stage, they open that stage a little wider for the next Filipino who dreams of doing the same,” ani Aquino.


Binigyang-diin din ni Aquino ang malaking potensyal ng creative industries ng Pilipinas.


“Kapag binibigyan natin ng pagkakataon at suporta ang ating mga artists, creators, musicians, dancers, producers, at iba pang creative workers, hindi lamang tayo lumilikha ng entertainment. Lumilikha po tayo ng trabaho, ng oportunidad, at ng isang mas malakas na presensya ng kulturang Pilipino sa buong mundo.”


Pinuri rin ni Aquino ang SB19 dahil sa patuloy nilang pagdadala at pagpapakita ng kanilang pagka-Pilipino saanman sila nagtanghal.


“Hindi nila kinailangang iwan ang kanilang identity upang tanggapin ng mundo. Sa halip, ‘yun po mismo ang kanilang ipinagmamalaki.


“Mula sa inyong simpleng simula, patuloy ninyong ipinapakita kung gaano kalayo ang mararating ng Pilipino na may talento, sipag, at lakas ng loob na mangarap,” ani Aquino. “At pagkatapos ng Lollapalooza, Summer Sonic at lahat ng inyong narating, isang bagay ang malinaw, hindi pa ito ang wakas.”


Ibinahagi rin ni Aquino na nagmumungkahi siya ng isang panukalang batas na layong suportahan at palaguin ang creative economy ng bansa, katuwang ang SB19 at ang 1Z Entertainment. Aniya, patuloy silang makikipagkonsultasyon sa iba pang creatives habang isinusulong nila ang panukalang batas at sinisikap na mapabilis ang pagpasa nito.


Matapos ang sesyon sa Senado, nag-live ang SB19 sa Facebook at TikTok, kung saan panandaliang sumali si Aquino sa kanilang livestream at napag-usapan nila ang iminungkahing batas. Nagbahagi rin ang grupo ng isang larawan kasama ang senador.


Agad namang nagpahayag ng suporta ang fandom ng SB19 na A’TIN kasunod ng pagkilala ng Senado sa grupo.

bottom of page