SB19 at Kento Nakajima, nagsanib-pwersa para sa bagong bersyon ng ‘GENTO’
Kim Asis / Sari Story News
October 30, 2026 at 7:33:06 AM
Inilabas na ang bagong bersyon ng hit song ng SB19 na “GENTO,” tampok ang Japanese singer-actor na si Kento Nakajima. Inilunsad ang bagong bersyon nitong Huwebes ng gabi at maaari na itong mapakinggan sa iba't ibang streaming platforms, kabilang ang YouTube at Spotify.
Ikinatuwa ng A'TIN fandom ang pagsasama ni Kento sa hit song ng SB19 na unang inilabas noong 2023.
“Gento with Kento brings a whole new vibe and flavor,” komento ng isang fan. “This song will always be iconic,” saad naman ng isa pa.
“Thank you for untangling cultural boundaries through music! Congrats and good luck to all! Keep on soaring high #SB19 and #KentoNakajima!” dagdag pa ng isang tagahanga.
Kasunod ito ng hindi malilimutang pagtatanghal ng SB19 at Kento sa Summer Sonic 2026 na ginanap sa Tokyo noong Agosto 15. Sa Tokyo leg ng music festival, nakasama ng Japanese artist ang grupo sa pagtatanghal ng “GENTO.” Kinanta niya ang Tagalog chorus, itinanghal ang isang espesyal na Japanese verse na isinulat para sa performance, at sinabayan din niya ng sayaw ang choreography ng grupo.
Binibigyang-diin din ng naturang collaboration ang dugong Pilipino ni Kento. Nauna nang kinumpirma ng Japanese artist na mayroon siyang lahing Pilipino sa naging pag-uusap nila ng Filipino-American actress na si Liza Soberano sa isang fashion show sa New York.
Ang pakikipagtulungan ng SB19 sa 32-anyos na si Kento ay ikalawang collaboration na ng grupo kasama ang isang Japanese act. Nitong mga nakaraang buwan, nakipagtambalan din ang grupo sa Japanese boy group na BE:FIRST para sa kantang “Toyfriend,” na magkasama rin nilang itinanghal.
Patuloy namang pinatitibay ng P-pop Kings ang kanilang presensya sa Japan sa pamamagitan ng iba't ibang high-profile appearances at aktibidad. Nagtanghal din sila sa television program na “DayDay.” at itinampok sa back cover ng anan magazine.
Matapos ang kanilang makasaysayang pagtatanghal sa Summer Sonic, nagsagawa rin ang grupo ng isang espesyal na thanksgiving fan meet na pinamagatang “I WaS There” at nagbukas ng pop-up store sa Shibuya na naging matagumpay.
Bukod sa Japan, nakipagtulungan na rin ang SB19 sa iba't ibang international artists mula sa Indonesia, South Korea, at United States. Kabilang dito ang kantang “Ready,” na kanilang collaboration kasama ang Filipino-American singer at rapper na si Apl.de.Ap.
Samantala, mapapanood din ng mga tagahanga ang SB19 sa “WAKAS AT SIMULA: The Trilogy Concert Finale,” na kasalukuyang ipinapalabas sa mga sinehan sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas.

