top of page

Sarah Lahbati, usap-usapang may bagong pag-ibig matapos ang birthday posts

Kimberly Asis / Sari Story News

October 13, 2026 at 10:39:26 AM

Larawan ni Sarah Lahbati at hinihinalang boyfriend na si Michael Schemm.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Sarah Lahbati.

INSTAGRAM / Sarah Lahbati

Usap-usapan ngayon ang aktres at model na si Sarah Lahbati matapos niyang magbahagi ng mga larawan at video kasama ang umano’y nobyong si Mikhail Schemm sa kanyang pagdiriwang ng kaarawan.


Nagdiwang ng kanyang ika-33 kaarawan si Sarah noong Oktubre 9. Agad namang nakatawag-pansin sa mga netizen ang ilang larawan kung saan makikitang sweet at komportable siya kasama ang lalaking iniuugnay sa kanya.


Sa isa sa mga larawan sa kanyang latest Instagram post, makikitang nakaupo si Sarah sa tabi ng isang lalaki na kinilala ng mga netizen bilang si Schemm. Nakayakap ang isang braso niya sa lalaki habang hawak naman niya sa kabilang kamay ang kanyang birthday cake. Nilagyan niya ng caption na “happy” ang post, kalakip ang heart hands emoji. Nilimitahan din ang mga komento sa naturang post.


Ang Instagram account ni Schemm ay may username na @schmikmikmik. Ayon sa Tatler Asia, isa siya sa mga co-founder at managing director ng CC:Concepts, isang entertainment at events production company na nakabase sa Pilipinas.


Nagbahagi rin si Sarah ng ilang Instagram Stories mula sa account na may kaparehong username, na nagpapakita ng mga malalambing na sandali nilang dalawa. Sa iba pang mga larawan, makikita silang magkasama sa isang mirror selfie at sa isang kuha sa tabing-dagat.


Bumati rin si Schemm kay Sarah sa kanyang kaarawan at tinawag siyang “wonder woman.” Lalo pang naging palaisipan sa mga netizen ang kanilang ugnayan nang mapansin nilang fina-follow nina Sarah at ng kanyang mga kaibigang sina Ellen Adarna at Isabelle Daza ang pribadong Instagram account ni Schemm.


Samantala, tila naging masaya ang pagdiriwang ni Sarah ng kanyang kaarawan. Kabilang sa kanyang mga ganap ang bonding kasama ang pamilya at isang pribadong hapunan kasama ang kanyang malalapit na kaibigan.


Sa kabila ng lumalakas na espekulasyon tungkol sa umano’y namamagitan sa kanila ni Schemm, wala pang kumpirmasyon o pahayag si Sarah tungkol sa tunay na estado ng kanilang relasyon. Sa ngayon, patuloy na pinag-uusapan ng mga netizen ang mga larawan at sweet moments na ibinabahagi ng dalawa.


Matatandaang ikinasal si Sarah sa aktor na si Richard Gutierrez noong 2020, matapos ang ilang taong relasyon na nagsimula noong 2012. Naghiwalay ang dating mag-asawa noong 2023 at patuloy na magkasamang ginagampanan ang kanilang mga responsibilidad bilang mga magulang sa dalawa nilang anak na sina Zion at Kai.


Patuloy pa rin ang proseso ng annulment nina Sarah at Richard. Samantala, kasalukuyang karelasyon ni Richard ang aktres na si Barbie Imperial.

bottom of page