top of page

Sandara Park, muling bibisita sa Pilipinas sa Nobyembre para sa isang event

Kimberly Asis / Sari Story News

October 21, 2026 at 12:28:10 PM

Larawan ni Sandara Park at Anne Curtis.

Larawan kuha mula sa Instagram account ni Sandara Park.

INSTAGRAM / Sandara Park

Muling bibisita sa Manila si Sandara Park sa Nobyembre 7 para sa isang brand event sa Mall of Asia sa Pasay City, kung saan tampok din si James Reid. Magtatanghal din sa event ang Filipino girl group na YGIG.


Ibinahagi ng tinaguriang “Pambansang Krung Krung” ang poster ng event sa kanyang X account. “Yeah hey!! Babalik ako sa Manila,” aniya sa caption ng post.


Kinilig at natuwa naman ang maraming Filipino fans sa anunsyo, lalo na ang mga sabik na muling makita ang Korean star. May ilang nagkomento ng “See you,” habang ang iba naman ay nagtanong kung libre ang event o kung kailangan ng ticket para makapasok.


Limang araw bago ang kaarawan ni Sandara sa Nobyembre 12 gaganapin ang naturang event.


Patuloy namang ipinapakita ng Korean actress at singer ang pagmamahal niya sa Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang mga post sa social media, na sumasalamin sa malapit niyang ugnayan sa mga Pilipino.


Sa isa niyang post, ikinuwento ni Sandara na habang naglalakad siya sa Orchard Road sa Singapore, napansin niya ang isang fast-food chain ng Jollibee. Dahil dito, napagdesisyunan niyang doon na maghapunan. Kahit nakasuot siya ng face mask sa loob ng restaurant, agad pa rin siyang nakilala ng mga tagahangang Pilipino.


“Naglalakad ako kanina sa may Orchard and nakita ko ang Jollibee! Nagulat ako!! Sabi ko ito na ’yung dinner ko! So pumasok ako para mag-order, at nakilala ako ng mga kababayan ko kahit naka-mask ako! At nag-group pic kami hehehe,” pagbabahagi niya.


Sinundan niya ito ng isang madamdamin ngunit pabirong pahayag tungkol sa espesyal niyang ugnayan sa Pilipinas.


“Kasi minahal ako nang todo ng Pilipinas nung bata pa ako. Nung wala pa akong alam sa showbiz, wala pa akong friends at wala pa akong alam sa mundo. The Philippines raised me and changed my life. Hindi kaya Pilipina talaga ako sa past life ko?!”


Ibinahagi rin ni Sandara ang isang selfie nila ni Anne Curtis, na nakasama niya sa Formula 1 Singapore Grand Prix. Idinaos ang karera noong Oktubre 9 hanggang 11 sa Marina Bay Street Circuit.


“With the goddess Anne Curtis!!” caption ni Sandara sa larawan.


Ibinahagi rin ni Anne ang selfie at nilagyan ito ng caption na, “With the beautiful, ageless pambansang krung krung Sandara Park!! Was so nice seeing you and making chika.”


Sumikat si Sandara sa Pilipinas noong 2004 matapos lumabas sa mga pelikula, programa sa telebisyon, at patalastas. Kalaunan, nakamit niya ang tagumpay sa international music scene bilang miyembro ng K-pop group na 2NE1.


Hanggang ngayon, nananatiling paborito ng maraming Pilipino si Sandara, na patuloy na sinusubaybayan ang kanyang karera at itinuturing na parang tunay na kababayan.

bottom of page