Ryzza Mae Dizon, balik-pelikula kasama sina Vic Sotto at Jose Manalo
Kimberly Asis / Sari Story News
October 7, 2026 at 11:04:27 AM
Muling mapapanood sa pelikula si Ryzza Mae Dizon, kasama sina Vic Sotto at Jose Manalo, sa isang bagong proyekto na ididirek ni Jun Robles Lana, ayon sa aktres na si Yasmien Kurdi.
Nalaman ang pagbabalik sa pag-arte ng “Eat Bulaga!” host matapos mapadaan si Yasmien sa set ng pelikula malapit sa tinutuluyan nila ng kanyang pamilya.
Sa kanyang social media post, ibinahagi ni Yasmien na umaga pa lamang ay nakarinig na siya ng mga gamit na inaayos para sa taping.
“Akala ko nananaginip lang ako at nasa taping ako. Pagtingin ko sa bintana, tanaw ko mga tents ng mga artista!”
Dahil dito, na-curious siya kung sinu-sino ang mga artistang nasa set.
“Nakita ko na rin na nagse-set up na ang CMB crew ng mga ilaw nila. So, na-curious tuloy ako kung sino ang mga artista… kaya pinuntahan namin ni baby RayaLayla yung tents.”
Doon niya nalaman na kabilang sa mga nasa set sina “Bossing” Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon, at Jose Manalo.
“Uy! Sila Bossing, Ryza, at Kuya Jose pala! May bago silang movie, directed by Direk Jun Lana.”
Ibinahagi rin ng 37-anyos na aktres ang ilang larawan mula sa kanilang pagkikita, kung saan makikita siyang kasama ang kanyang dalawang taong gulang na anak na si RayaLayla, pati sina Ryzza, Jose, Vic, at direktor Lana. Kasama rin sa mga ibinahaging larawan ni Yasmien ang award-winning actress na si Ruby Ruiz, na mukhang kabilang din sa cast ng pelikula.
“Na-enjoy ko makipag-chikahan!” pahayag ni Yasmien.
Biro pa niya kay Vic: “Sorry, Bossing! Naubos ata ni Baby RayaLayla ang munchkins niyo tent kasi hindi pa siya nag-breakfast noong bumisita kami. Hahaha!”
Sa dulo ng kanyang post, binati rin ni Yasmien si Pauleen Luna, asawa ni Vic.
Samantala, ibinahagi naman ni Ryzza ang post ni Yasmien sa kanyang Instagram Story.
Marami sa followers ni Yasmien ang natuwa sa kanyang post, habang pinuri rin ng ilan ang aktres at ang kanyang anak.
Batay sa mga ibinahaging larawan, tila bahagi ng shooting ng pelikulang “The Greatest Showdown” ang production setup na nakita ni Yasmien. Tampok sa pelikula sina Vic Sotto at Vice Ganda, habang si Lana ang nagsisilbing direktor. Nakatakda rin itong ipalabas bilang bahagi ng 2026 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Hindi ito ang unang pagkakataong magsasama sa pelikula sina Ryzza Mae, Vic, at Jose. Dati na rin silang nagkasama sa ilang proyekto gaya ng “My Little Bossing,” “My Big Bossing,” “Enteng Kabisote 10 and the Abangers,” at “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” noong 2018.

