top of page

Rommel Padilla, iginiit na hindi kailanman naging hadlang ang politika sa relasyon nila ni Daniel

Sari Story

September 16, 2026 at 7:19:43 AM

Larawan ni Daniel Padilla

Iniiwasan nina Daniel Padilla at amang si Rommel na pag-usapan ang politika kapag nagkikita

Daniel Padilla / Instagram

Inihayag ni Rommel Padilla sa isang panayam kamakailan na kahit magkaiba sila ng pananaw sa politika ng kanyang anak na si Daniel Padilla, hindi ito naging dahilan para masira ang kanilang relasyon.


Sa programang “Ogie Diaz Inspires,” sinabi ng aktor na hindi niya kailanman pinigilan si Daniel na magsalita tungkol sa politika, bagama’t karaniwang tahimik ang aktor pagdating sa mga usaping pampulitika.


“Hindi. Talagang tahimik siya. At saka tuwing nag-uusap kami ng politika. Iba rin kasi ang political belief, ang paniniwala niya (No. He is really quiet. And whenever we talk about politics, his political beliefs and views are also different),” ani Rommel.


Hayagan noong nagpahayag ng suporta sina Rommel at ang kanyang kapatid na si Senador Robin Padilla para sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, habang ipinahayag naman ni Daniel ang kanyang suporta kay dating presidential candidate Leni Robredo noong 2022 elections.


Sa kabila ng kanilang magkakaibang pananaw, sinabi ni Rommel na hindi sila nagtatalo ni Daniel, 31, dahil sa politika at hindi rin nila sinusubukang baguhin ang paniniwala ng isa’t isa. Sa halip, nirerespeto nila ang kani-kanilang pananaw sa politika.


“Respeto. Yes. Kasi isa lang naman ‘yung paniniwala namin sa politika, ‘yung magsilbi ka ng tapat. Ayun lang naman eh (Respect. Yes. Because we only have one belief when it comes to politics—to serve honestly. That’s all),” aniya.


Gayunman, aminado si Rommel na hindi sila palaging nagkakasundo ni Daniel sa ilang isyung pampulitika, lalo na kapag sangkot na rito ang kanilang mga kaibigan at trabaho.


“Iyong ibang sangkap na hindi na namin napagkakasunduan, kasi involved na doon ‘yung mga kaibigan, involve na iyong pinagtatrabahuhan mo. Doon na nagkakahiwalay (There are other factors that we no longer agree on because friends are already involved, and the work you do is also involved. That’s where we differ),” paliwanag niya.


Binigyang-diin ni Rommel na sinisikap nilang hindi maapektuhan ng politika ang kanilang relasyon bilang mag-ama.


“Tuwing nagkikita kami [ni Daniel], hangga’t maaring hindi namin mapag-usapan ‘yung politika (Whenever Daniel and I see each other, as much as possible, we don’t talk about politics),” aniya.


May mga pagkakataon naman umanong nababahala si Daniel kapag nakakatanggap ng batikos ang kanyang tiyuhin na si Senador Robin Padilla. Ayon kay Rommel, minsan ay sinasabi ni Daniel kapag sa tingin niya ay sumosobra na ang mga komento laban sa kanyang tiyuhin.


“Pa, medyo may sobra na bumira kay Tito Robin ha! (Dad, they’re going a little too far in attacking Uncle Robin!),” kwento ni Rommel sa sinabi ni Daniel. 


“Kapag ganun, hindi na lang namin masyadong pinapansin (When that happens, we just don’t pay much attention to it),” dagdag niya.


Sinabi rin ni Rommel na mabuti na lamang at hindi personal na nakaranas si Daniel ng pambabatikos o masasakit na komento dahil sa koneksyon niya kay Robin.

bottom of page