top of page

Rica Peralejo, naglabas ng saloobin sa BIR requirement sa gitna ng isyu ng korapsyon

Kimberly Asis / Sari Story News

October 13, 2026 at 10:59:24 AM

Larawan ni Rica Peralejo.

Larawan kuha mula sa Facebook account ni Rica Peralejo.

FACEBOOK / Rica Peralejo

Ipinahayag ni Rica Peralejo ang kanyang pagkadismaya sa bagong requirement ng Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa mga content creator, online seller, e-commerce platform at iba pang operator ng digital platforms.


Inaatasan ng ahensya si Rica at ang iba pang content creator na maglagay ng BIR Registration Seal Badge sa kanilang mga social media account at iba pang online platforms. Ibinahagi ng dating aktres ang kanyang saloobin sa gitna ng mga isyu tungkol sa umano’y korupsiyon at paggamit ng pondo ng bayan.


Sa isang kamakailang post sa Threads, ipinahayag ni Rica ang kanyang pagkadismaya sa pangangailangang magpakita pa ng karagdagang patunay ng pagsunod sa mga obligasyon sa buwis, sa kabila ng ilang dekada na niyang pagbabayad nito.


“Buong buhay ko as artista ako ay nagbabayad ng buwis. Then isang araw sasabihin need ng seal at iba pa raw yung sa artista at sa content creator or social media. Kailangang may patunay pa,” ani Rica.


Samantala, pinalawig ng BIR hanggang Oktubre 31, 2026, ang deadline para sa pagpapaskil ng Registration Seal Badge. Saklaw ng extension ang mga online seller, merchant, operator ng digital platforms at iba pang taxpayer na nagnenegosyo sa pamamagitan ng mga website, e-commerce platform, social media account at iba pang digital channel.


Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular No. 99-2026, muling iginiit ng BIR ang mga requirement na nakasaad sa Revenue Regulations Nos. 7-2024 at 15-2024. Binigyan nito ng karagdagang panahon ang mga saklaw na taxpayer upang makuha at maipaskil nang maayos ang kanilang registration seal.


Ayon sa ahensya, nagsisilbing patunay ng rehistrasyon ang badge upang madaling matukoy ng mga mamimili kung rehistrado sa BIR ang mga negosyong nagpapatakbo online. Nilinaw din ng ahensya na ang mga taxpayer na hindi pa nakapagpapaskil ng seal ay maaari pang sumunod sa itinakdang requirement hanggang sa pinalawig na deadline nang hindi papatawan ng penalty dahil lamang sa hindi pagpapaskil nito sa panahon ng extension.


Gayunman, kinuwestiyon ni Rica kung bakit kailangan pang magpakita ng karagdagang patunay ang mga taxpayer na matagal nang tumutupad sa kanilang mga obligasyon. Ayon sa dating child actress na 45 taong gulang na ngayon, nagbabayad na siya ng buwis mula pa noong siya ay 13 anyos.


Ibinahagi rin niya ang kanyang pagkadismaya sa requirement na kailangang maipaskil ang seal sa kanyang mga platform bago ang Oktubre 31.


“And all of this would have been ok if only hindi tayo ninanakawan. Yung mga magnanakaw walang need patunayan pero ako na nagbabayad ng buwis ever since I was 13 years of age to now, 45, hanggang October 31 ang deadline para sa seal na kailangang ipaskil sa aking platforms,” dagdag niya.


Ipinahayag din ni Rica ang kanyang pagkadismaya sa nakikita niyang kawalan ng pananagutan sa paggamit ng pera ng mga nagbabayad ng buwis.


“Para sa akin sobrang nakakainsulto yung pakiramdam. In the thick of nanakawan tayo… tapos ganito,” aniya.


Dagdag pa niya, “Like talaga ba? Parang sana onting update muna naman, like ano na ba nangyari sa mga binayaran kong lifestyle ng mga corrupt kong leaders? May tax break ba ako if napondohan ko yung gala nila sa ibang bansa at luxury bags?”


Sa huli, ibinuod ni Rica ang kanyang nararamdaman sa pahayag na, “Ang sakit maging Pilipino.”


Madalas gamitin ni Rica ang kanyang mga social media platform upang magpahayag ng saloobin tungkol sa mga isyung panlipunan, pangkultura at pampulitika sa Pilipinas.

bottom of page