Regine, magpapaalam na sa ilang signature songs dahil sa pagbabago ng boses
Kimberly Asis / Sari Story News
October 21, 2026 at 11:43:22 AM
Unti-unti nang iiwan ni Asia’s Songbird Regine Velasquez ang ilan sa kanyang mga signature song dahil mas nahihirapan na siyang kantahin ang mga ito bunsod ng pagbabago sa kanyang boses. Inanunsiyo ito ng singer sa ikalawang gabi ng kanyang sold-out na concert na “Finale” sa SM Mall of Asia Arena noong Oktubre 18.
“In four years, I will be 60. And, it's just a big stage. It also means that I will be retiring some of my songs. So, some of the songs that you heard tonight, you probably won't hear them anymore. I probably won't sing them anymore. Why? Because I can't anymore. I don't have the voice for them anymore,” pahayag ni Regine sa mga manonood.
“I want you to know that deciding to not do the big stage anymore is a big, big decision. Hindi pa masyadong nagsi-sink in sa akin. But I have changed. My voice has changed. My expectations sa sarili ko have change,” dagdag niya.
Kabilang sa mga kantang balak niyang hindi na muling kantahin ang “I Don’t Wanna Miss a Thing,” “On the Wings of Love,” at “What Kind of Fool Am I.”
Gayunman, hindi nangangahulugang tuluyan na siyang magreretiro sa pagkanta. Sa halip, inamin ni Regine na nagbabago na ang kanyang boses sa paglipas ng panahon at nagiging mas mahirap nang awitin sa malaking entablado ang ilan sa mga kantang nangangailangan ng matinding kontrol at lawak ng boses.
Inaasahang tatanggap pa rin siya ng piling pagtatanghal at iba pang proyekto, bagama’t hindi na siya magpo-focus sa malalaking solo concert.
Nagpasalamat din ang singer sa kanyang mga tagahanga, na kilala bilang Reginians, sa patuloy na pagsuporta sa kanya anuman ang kondisyon ng kanyang boses. Aniya, ang presensya ng mga ito ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyong magpatuloy sa pagtatanghal.
“I show up because you keep showing up. Every time we announce that I'm going to have a concert, you just show up. You don't care. Kahit anong kondisyon ng boses ko, may boses, malat, garalgal, you show up. I actually don't understand why,” aniya.
Naalala rin ni Regine ang isang concert kung saan halos wala na siyang boses at inakala niyang aalis ang mga manonood dahil sa pagkadismaya.
“I was expecting for you guys to walk out because that's a natural tendency of the audience when they get disappointed. But you didn't. Instead, you sang my songs to me. You performed my songs to me,” aniya.
“And that's why I'm here. Because you keep showing up,” dagdag pa ng singer.
Lalo pang naging makabuluhan ang “Finale” concert ni Regine dahil sa mga pagtatanghal kasama ang ilan sa kanyang matagal nang nakatrabaho sa industriya.
Isa sa mga tampok na sandali ang muling pagsasama nila ng singer na si Jose Mari Chan, kung saan inawit nila ang kanilang 1989 duet na “Please Be Careful With My Heart.” Sinamahan din si Regine sa entablado ng kanyang asawang singer-songwriter na si Ogie Alcasid upang awitin ang kanilang duet na “Hanggang Ngayon.”
Inawit din ni Regine ang ilan sa mga kantang naging bahagi ng kanyang karera, kabilang ang “Pangako,” “Dadalhin,” at “You’ve Made Me Stronger.” Kabilang din sa kanyang mga kinanta ang “Pangarap Ko Ang Ibigin Ka,” na isinulat ni Alcasid.
Naghatid naman ng nostalgia ang pag-akyat sa entablado nina Donna Cruz at Mikee Cojuangco upang makasama si Regine. Magkakasama silang bumida sa pelikulang “Do Re Mi” noong 1996. Muli nilang inawit ang “I Can” at “A Little Love Goes a Long Way,” na kapwa bahagi ng soundtrack ng pelikula.
Idinaos ang tatlong gabing “Finale” concert series mula Oktubre 17 hanggang 19 bilang pagdiriwang sa 40 taon ni Regine sa industriya ng musika.

